Nagbunga na ang pakikipagtulungan ng Government Service Insurance System (GSIS) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) matapos matagumpay na makapagtapos ang unang pangkat ng 19 na dependents ng mga miyembro at pensyonado ng GSIS sa Davao City.
Ang mga nagtapos ay kabilang sa pilot class ng GSIS-TESDA Skills Partnership Program para sa kursong Bread and Pastry Production.
Dahil dito, maaari na silang kumuha ng TESDA Competency Assessment upang makakuha ng National Certification (NC)—isang kwalipikasyong magbubukas ng pinto sa mas magandang oportunidad sa trabaho at pagnenegosyo.
Ang nasabing programa ay suporta sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang technical-vocational education sa bansa at magbigay ng libreng pagsasanay para sa mga walang trabahong pamilya ng mga kawani ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni GSIS President and General Manager Wick Veloso na ang inisyatibong ito ay bahagi ng tinatawag nilang “social dividend” o balik-lingkod sa pamilya ng mga miyembro bago pa man sila magretiro.
BASAHIN: Angara pinabilis ang hiring ng 10,000 school counselor associates
“Most people understand the GSIS through one number: the pension waiting for them after years of service. That number matters, and we work hard to protect it. But I have come to believe the GSIS owes society more than that one number, even before retirement comes,” pahayag ni Veloso.
“We did not wait for retirement to make a difference in these families. We made it now, while it could still change the shape of someone’s year, not just their old age,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay GSIS Trustee Evelina Escudero, na kumatawan sa Board of Trustees, nakikita na ng pamunuan ang magandang resulta ng kanilang desisyon na pondohan ang programa.
Pahayag din niya, positibo ang Board na mapapalawak pa ang pasilidad sa iba pang rehiyon matapos suriin ang tagumpay ng pilot implementation.
Bukod sa Davao, nakatakda ring maglabas ng mga nagtapos ang iba pang pilot areas ng programa: Bread and Pastry Production sa Davao, Automotive Servicing sa Cebu, at Cookery sa Legazpi. Bukas ang programa para sa mga walang trabahong asawa, anak, o kapatid ng mga aktibong miyembro at pensyonado ng GSIS na may edad 18 pataas at kwalipikado sa mga pamantayan ng TESDA.
