Bagaman pansamantalang nakalaya si dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. habang dinidinig ang kanyang kaso kaugnay ng diumano’y korapsyon sa flood control, isang bagong isyu ng anomalyang pampubliko ang lumutang laban sa kanyang pamilya.
Batay sa nakalap na datos ng Rappler mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), umaabot sa 67 proyekto na may kabuuang halagang P4.72 bilyon ang naigawad ng gobyerno sa Graia Construction Corporation sa nakalipas na siyam na taon (2016–2025).
Ang nasabing kompanya ay pinamumunuan bilang presidente ng nakababatang kapatid ni Bong Revilla na si Rebecca Bautista-Ocampo (kilala bilang dating aktres na si Princess Revilla).
Naging kuwestiyunable ang mga kontratang ito dahil nakuha ng Graia Construction ang mga proyekto habang ang dalawang kapatid at isang pamangkin ni Rebecca ay nagsisilbing mga legislator sa Kongreso na may direktang kapangyarihan sa pagbalangkas ng pambansang badyet—kabilang ang pondo ng DPWH.
Ayon sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019), itinuturing na krimen ang conflict of interest at pagbibigay ng hindi nararapat na pakinabang sa isang pribadong entidad gamit ang posisyon sa gobyerno. Pinarurusahan ng Section 3(h) ng batas ang mga public official na may direktang interes sa pananalapi sa anumang negosyo o kontrata na pinakikialaman ng kanilang tanggapan.
Mula sa 67 proyekto ng Graia Construction, 65 dito ay nakalagak sa lalawigan ng Cavite na kilalang balwarte ng pamilya Revilla.
Kabilang dito ang 55 proyekto sa Bacoor City na nagkakahalaga ng mahigit P4 bilyon, apat na proyekto sa Unang Distrito ng Cavite na kinabibilangan ng Kawit, Noveleta, at Cavite City na nagkakahalaga ng P611 milyon at nakuha matapos manalo ang anak ni Bong na si Jolo Revilla bilang kinatawan noong 2022, at tatlong proyekto para sa mga National Highway sa Cavite na may kabuuang P49.4 milyon.
Samantala, ang dalawang proyekto sa Obando, Bulacan noong 2016 na nagkakahalaga ng P19.2 milyon ang tanging mga proyekto ng kompanya na nasa labas ng Cavite.
Bahagi rin ng datos na mahigit P3.84 bilyon (81%) ng lahat ng kontrata ng Graia sa nakalipas na siyam na taon ay nakalaan para sa mga flood control projects, kung saan P3.2 bilyon dito ay napunta sa lungsod ng Bacoor lamang.
Lumalabas sa pagsusuri na lumubo ang mga nakuhang kontrata ng Graia Construction kasabay ng paghawak ng pamilya Revilla ng mahahalagang posisyon sa lehislatura.
Noong 2016, naging P145.86 milyon ang naitalang kontrata ng kompanya habang si Bong Revilla ang Chairman ng Senate Committee on Public Works.
Napanatili naman ang daloy ng mga proyekto mula 2016 hanggang 2019 habang ang kapatid nilang si Strike Revilla ang kinatawan ng Bacoor.
Muling lumakas at tuluyang pumalo nang mataas ang mga nakuhang kontrata mula 2019 hanggang 2025 nang bumalik si Bong Revilla sa Senado at muling humawak sa Public Works Committee.
Sa period na ito, kumita ang kompanya ng P401.92 milyon noong 2020, P619.65 milyon noong 2021, P854.05 milyon noong 2022, P911.51 milyon noong 2023, P615.79 milyon noong 2024, at P782.62 milyon noong 2025.
Sa kabila ng bilyun-bilyong pondong naipagkaloob, lumalabas sa imbestigasyon na marami sa mga proyekto ay nananatiling hindi tapos o sira na.
Sa Bacoor River sa Barangay Habay, may mga butas na ang manipis na revetment wall kung saan batay sa rekord ng DPWH ay 39.83% pa lamang ang natatapos kahit napaso na ang kontrata noong Marso 2026.
Sa Daang Bukid River naman, ang revetment wall na itinayo noong 2020 ay sira-sira na, nakalabas ang mga bakal, at naiwang nakatwangwang ang isang excavator.
Bukod dito, ang lahat ng walong proyekto para sa taong 2025 ay nagpapatuloy pa rin sa kabila ng pagiging expired na ng mga kontrata nito sa DPWH portal.
Nang subukang hingan ng pahayag ng Rappler ang Graia Construction sa pamamagitan ng tawag at e-mail ukol sa mga kontratang ito, wala pa ring ibinibigay na opisyal na tugon o paliwanag ang kompanya.
