Mga Poster ng Pagdiriwang
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
SA tuwing sasapit ang Agosto ay doble ang saya at pagmamalaki ng bawat Pilipino! Sapagkat magkasabay na ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan – dalawang pagdiriwang na nagpapaalala kung sino tayo at saan tayo nagmula.
Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997 ni Pangulong Fidel V. Ramos (1928-2022, nanilbihan 1992-98) na naglalayong lalo pang itaguyod at palaganapin ang paggamit ng wikang Filipino.
Ngayong 2026 ay pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (itinatag 1936 at nireporma 1991) sa ilalim ni Tagapangulo Atty. Marites A. Barrios-Taran (nanilbihan simula Agosto 2025) na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon”. Patunay na ang ating wika ay hindi napag-iiwanan kung kaya’t handang makipagsabayan kahit sa mundo ng Artificial Intelligence.
Hindi magpapahuli ang mundo ng kasaysayan! Sa bisa naman ng Proklamasyon Blg. 339, s. 2012 ni Pangulong Benigno S. Aquino III (1960-2021, nanilbihan 2010-16) ay ginugunita ang yaman ng ating lahi, kultura, at pinagmulan. Pangungunahan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP, itinatag 1933) ang pagdiriwang sa pamumuno ni Tagapangulo Regalado Trota Jose Jr. (nanilbihan simula Hulyo 2024).
Ang temang “Hinubog ng Bayan, Dinuyan ng Alon” ay isang paalala na tayong mga Pilipino ay hinubog ng hirap, pagsubok, at tagumpay ng nakaraan.
Inaasahang pupunuin ng iba’t ibang gawain ang buong buwan – mula sa mga paaralan, dalubhasaan, pamantasan, hanggang sa mga pambansang ahensya ng pamahalaan. May patimpalak, talakayan, exhibits, at marami pang iba!
Kaya ikaw, oo ikaw! Hinihikayat na ika’y makiisa. Gamitin ang wikang Filipino. Alamin at ipagmalaki ang kasaysayan. Dahil ang wika ang tulay natin sa mundo, at ang kasaysayan ang pundasyon ng ating kinabukasan.
Ngayong Agosto ay buhayin natin ang wika at gunitain ang kasaysayan. Ipagdiwang natin ang pagka-Pilipino!
