Kinumpirma ng House of Representatives na si Ako Bicol Representative Zaldy Co ay kasalukuyang nasa Estados Unidos para umano sa medical treatment, ayon kay House spokesperson Princess Abante nitong Huwebes, Setyembre 4.
Lumabas ang pahayag matapos ang serye ng pagliban at madalas na paghingi ng excuse ni Co mula nang magbukas ang 20th Congress, kung saan ilang mapagkakatiwalaang source ang nagsabing nasa abroad siya ngayon.
Si Co, na dating House appropriations chair sa ika-19 na Kongreso at pinuno ng House contingent sa bicameral conference committee, ay matagal nang nakasentro sa isyu dahil sa kanyang ugnayan sa mga kumpanyang Sunwest at Hi-Tone.
Ang dalawang firm na ito ang mismong tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang kabilang sa pinakamalalaking kontratista ng flood control projects sa bansa.
Ilang mambabatas ang nananawagan din na humarap si Co sa imbestigasyon ng Kamara hinggil sa flood control projects upang linawin ang mga pagbabagong ipinasok ng bicameral committee sa panukalang 2025 national budget.
