
Inamin ni Health Secretary Ted Herbosa nitong Huwebes na wala siyang tiyak na kaalaman kung saan napunta ang kabuuang P89.9 bilyong pondo ng PhilHealth na ibinalik sa National Treasury noong 2024.
Sa pagdinig ng House appropriations committee para sa panukalang 2026 budget ng DOH, piniga ni Rep. Chel Diokno ang kalihim kung bakit hindi lahat ng nasabing pondo ay inilaan sa mga programang pangkalusugan, taliwas sa mga naunang pahayag.
Ayon kay Herbosa, nasa P30 bilyon ang inilaan para sa pagbabayad ng arrears sa health emergency allowance ng mga frontliner, ngunit inamin niyang hindi niya alam kung saan napunta ang natitirang halaga.
“So you’re telling us… the rest you do not know exactly where that money went,” tanong ni Diokno.
“I do not know exactly, but I think the DOF knows details of where it was used for funding,” tugon ni Herbosa.
Dagdag pa niya, mula sa P89.9 bilyon, tinatayang P60 bilyon ang naibalik sa Treasury habang P30 bilyon ang sakop pa rin ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema.
Matatandaang noong Agosto 2024, naghain ng petisyon ang Philippine Medical Association, si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, at ilang iba pa para pigilan ang paglilipat ng pondo mula PhilHealth patungong Treasury.
“Either way, I will be happy whatever the Supreme Court decides. If they tell us to return it, we will comply. If they tell us it can be done, it will actually help health budgets improve implementation of [the] Universal Healthcare Law,” ani Herbosa.
Iginiit naman ni Diokno na malaking ginhawa sana sa gastusing medikal ng mga Pilipino ang nasabing pondo kung nailaan sa pagpapalawak ng PhilHealth benefits.
“I think that money could have gone, for example, to easing the burden and the cost, broadening the programs of PhilHealth for our people,” sabi niya.
Tiniyak ni Herbosa na sakaling maibalik sa DOH ang pondo, gagamitin ito upang palawakin ang PhilHealth packages tulad ng dialysis, cardiac care, at iba pang mamahaling gamutan. Kasama rin sa plano ang pagsusulong ng amyenda sa Universal Health Care Law para gawing mas flexible ang PhilHealth premium adjustments.
Samantala, iginiit ni Finance Secretary Ralph Recto na ang halagang P89.9 bilyon ay mga government subsidies na hindi nagamit ng PhilHealth.
Sa oral arguments sa Supreme Court nitong Abril, ipinaliwanag ni Recto na ang P60 bilyon ay naitalaga sa iba’t ibang proyektong pangkalusugan:
- P27.45 bilyon para sa allowances ng COVID-19 frontliners
- P10 bilyon para sa Social Programs for Health (medikal na tulong sa mahihirap)
- P3.37 bilyon para sa pagtatayo ng tatlong DOH facilities
- P4.1 bilyon para palakasin ang kasalukuyang DOH facilities
- P1.6 bilyon para sa Health Facilities Enhancement Program
- P13 bilyon para sa counterpart financing ng foreign-assisted infrastructure at health projects
“Your Honors, the P60 billion that was returned didn’t vanish—it paid frontliners, built hospitals, and gave the poor access to medicine. Every centavo remitted was converted into service. That is fiscal justice,” giit ni Recto. (MINA PADERNA)
