Posibleng masaksihan na ng mga Pinoy fans si Alex Eala na maglaro sa sariling bayan matapos ibunyag ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick “Pato” Gregorio na nakatakdang idaos sa Manila ang isang WTA 125 tournament sa Enero 2026.
Sa press launch ng 2025 Batang Pinoy nitong Oktubre 2 sa Century Park Hotel, sinabi ni Gregorio na nagsimula na ang pagsasaayos ng tennis courts sa Rizal Memorial Sports Complex, na siyang magiging venue ng prestihiyosong torneo na gagawin matapos ang Australian Open.
“Kailangan tatlong tennis courts para sa WTA. Hahabulin natin ang renovation kasi siyempre gusto natin makita si Alex Eala na maglaro dito,” ani Gregorio, kasabay ng pagtiyak na maaabot ang pamantayan ng WTA sa oras ng kompetisyon.
Ayon pa kay Gregorio, isa ang proyektong ito sa hakbang ng PSC at ng Philippine Tennis Association (PHILTA) para isulong ang sports tourism at mabigyan ng mas maraming international exposure ang mga atletang Pilipino.
“Kasama ito sa programa na gusto mismo ni Presidente—ang sports tourism. Hindi lang para sa mga atleta kundi para maipromote din ang Pilipinas bilang destinasyon,” dagdag ni Gregorio.
Ang WTA 125 Manila Open ay inaasahang magsisilbing malaking oportunidad hindi lang para kay Eala kundi para rin sa iba pang Pinay tennis players na gustong makipagsabayan sa world stage. (RON TOLENTINO)
