IBINULGAR ni Senador Win Gatchalian ang umano’y halos P15 bilyong halaga ng mga hindi natapos o hindi nagagamit na proyekto ng Department of Health (DOH), kabilang na ang tinaguriang mga “haunted” super health centers.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa 2025 budget ng DOH, iginiit ni Gatchalian na ayon sa 2024 Commission on Audit (COA) report, aabot sa 123 proyekto na nagkakahalaga ng P11.54 bilyon ang hindi nakumpleto sa itinakdang panahon.
Dagdag pa rito, batay sa datos ng DOH, mula sa 1,099 super health centers na nakaplanong ipatayo mula 2021 hanggang 2024, 319 proyekto na may kabuuang P3 bilyon ang nananatiling hindi pa rin tapos o hindi gumagana.
“Hindi natin papayagan na muling magkaroon ng haunted super health centers o mga proyektong naiwan na lang. Lahat ng nasa Health Facilities Enhancement Program ay dapat makumpleto. Sayang ang pera, pinag-uusapan natin dito ay P15 bilyon,” diin ni Gatchalian, na siya ring Chairman ng Senate Committee on Finance.Bilang tugon, iminungkahi ng senador ang isang counterpart program kung saan magsasanib pondo ang DOH at mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang matiyak na hindi lamang maitatayo kundi mapapatakbo rin ang mga nasabing pasilidad. (MINA PADERNA)
