BINULGAR ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang tinatawag niyang “Big 3” na umano’y pangunahing sangkot sa malakihang katiwalian sa mga proyekto ng imprastruktura sa bansa.
Sa kanyang pagbubunyag matapos ang maikling panunungkulan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), sinabi ni Magalong na ang “unholy alliance” ay kinabibilangan ng mga tiwaling politiko, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga kontratista na aniya’y ginawang personal na negosyo ang public works.
“Isang bagay ang natuklasan ko, tatlo lang talaga ang major players. ’Yung mga korap na politiko, ’yung mga korap na DPWH officials, at ’yung mga korap na contractors. Lahat sila corrupt,” giit ng alkalde.
Ayon kay Magalong, lumala ang sistemang ito na mistulang naging “cottage industry” o “livelihood program” dahil sa bilyun-bilyong pondong nakataya sa flood-control at iba pang proyektong pang-imprastruktura.
Ipinaliwanag pa niya na sa ideal na proseso, limang sektor ang dapat nakikilahok. Ito ang mambabatas bilang tagapondo, ang DPWH, ang mga kontratista, pati ang mga lokal na pamahalaan at ang komunidad na makikinabang.
“Dapat lima sila, pero ang nangyayari, in-out ang LGUs at komunidad. Kaya sila-sila lang nag-uusap, at doon nawawala ang accountability,” aniya.
Nagbitiw si Magalong bilang special adviser at imbestigador ng ICI noong Setyembre 26, ngunit ang kanyang mga rebelasyon ay nagdadagdag ng bigat sa mga alegasyong may malawakang katiwalian sa flood-control projects at iba pang DPWH ventures, na kasalukuyang iniimbestigahan ng Kongreso at iba pang independiyenteng lupon.
