
Umalingasaw ang isyu ng korapsyon matapos umakyat sa P7 bilyon ang pondo para sa pagkukumpuni ng San Juanico Bridge, na dati’y nasa P800 milyon lang.
Ayon kay Mayor Alfred Romualdez, may matinding palusot ang DPWH sa biglaang paglobo ng presyo ng rehabilitasyon ng tulay na nag-uugnay sa Samar at Leyte.
“May naamoy tayong hindi kanais-nais na korapsyon. Magkano ba talaga ang tunay na halaga ng proyekto?” buwelta ng alkalde, habang kinuwestiyon din niya kung bakit bigla na lang ibinaba ang weight limit ng tulay sa tatlong tonelada nang walang konsultasyon sa lokal na pamahalaan at mga residente.
Dahil sa partial closure, nagdulot ng matinding trapik, kakulangan ng krudo, at pagkaantala ng negosyo sa Eastern Visayas. Pati pedestrian crossing bawal na, at tanging magagaan na sasakyan lang ang pinapayagan. Kaya’t parehong nagdeklara ng state of emergency ang Samar at Tacloban City.
Matindi ring tanong ni Romualdez kung sino ang gumawa ng feasibility study at bakit 48 oras lang ang ibinigay na abiso bago ipatupad ang mga restriksyon.
Ang San Juanico, na tinaguriang “Bridge of Love,” ay isa sa pinakamahabang tulay sa bansa at matagal nang simbolo ng turismo sa rehiyon. Pero ngayon, isa itong sentro ng kontrobersya.
Habang inirereklamo ng taumbayan ang napakamahal na rehab, ibinida naman ng DPWH ang plano na magpatayo ng mas mahabang tulay gamit ang pautang mula Japan.
Tinatayang P600 milyon kada buwan ang nalulugi sa ekonomiya ng Eastern Visayas dahil sa pagsasara ng tulay, na target muling buksan sa Disyembre 2025.
