Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Mamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na gawing public at i-livestream ang mga pagdinig nito kaugnay ng mga diumanoy maanomalyang proyekto sa imprastruktura na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga mambabatas.
Sa isang pahayag, binatikos ni De Lima ang pagtanggi ng ICI na ipalabas nang live ang kanilang mga hearing.
“This is not what we expected from the Independent Commission for Infrastructure. ‘Pag sinabing ‘independent. Ito bang pagmamatigas ng ICI, ito rin ba ang gusto ng Pangulo?”
REP. leila de lima
Lumabas ang pahayag ni De Lima kasunod ng kumalat na balita tungkol sa umano’y pagkairita ni Sen. Mark Villar matapos siyang ipatawag ng ICI sa kapasidad niya bilang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sumang-ayon kay De Lima si Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos, na iginiit na ang live streaming ng mga pagdinig ay makatutulong upang mapalakas ang transparency, accountability, at public trust, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa bilyon-bilyong pondo ng bayan.
“This is why the ICI should consider live streaming its hearings — so that the people themselves can see what’s really happening. Kung may live stream, eh di walang ganyan sana,” ani Santos.
Giit pa ni Santos, hindi na dapat ituring si Villar bilang simpleng “resource person” kundi bilang respondent o defendant, dahil sa dating posisyon nito bilang DPWH Secretary (2016–2021) at kasalukuyang Chairman ng Senate Committee on Public Works.
“Given his previous position and influence over DPWH projects, the ICI should again summon Villar to shed light on the flood control anomalies,” dagdag pa ng kongresista.
Binigyang-diin din ni Santos ang pahayag umano ni dating Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, na nagsabing iniimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) ang posibleng conflict of interest sa I&E Construction, kumpanyang sinasabing may kaugnayan sa pinsan ni Villar na si Carlo Aguilar, dating kandidato sa pagka-alkalde ng Las Piñas.
Ang nasabing kompanya ay nakakuha umano ng ₱18.5 bilyong kontrata sa gobyerno, kabilang na ang mga flood control projects na kasalukuyang tinitingnan ng ICI.
“Dapat transparent ang ICI para makita ng mamamayan kung sino ang tama. Ayaw kasi ipublic eh—sino ngayon ang papaniwalaan ng tao?” dagdag ni Santos.
Samantala, hinamon ni De Lima si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patunayan ang kanyang pangakong transparency at good governance sa pamamagitan ng pag-utos sa ICI na ipalabas sa publiko ang mga pagdinig nito.
“If he is one with the clamor for transparency, we call on the President to urge the ICI—created through his Executive Order No. 94—to livestream its hearings,” ani De Lima.
Aniya, ang publikong pagdinig ay makapagbibigay ng katiyakan sa mga Pilipino na walang whitewash o pagtatakip sa imbestigasyon.
“Kaya nga binuo ang ICI dahil sa kagustuhan ng publiko na malaman ang buong katotohanan, tapos isisikreto lang nila ang pagdinig. Para naman tayong naglolokohan,” dagdag pa ni De Lima.
Ipinanawagan din ni De Lima na palawakin ang kapangyarihan ng ICI upang higit nitong mapalakas ang mga imbestigasyon.
“Aside from transparency, the ICI urgently needs greater power. That’s exactly why we have been pushing, along with the co-authors of House Bill No. 4453, to complement it and make it stronger,” paliwanag ng kongresista.
“We are wondering: What’s taking the House leadership so long to act on it? And why hasn’t the President certified it as urgent?”
