BINATIKOS ni Senador Sherwin Gatchalian ang Presidential Communications Office (PCO) dahil sa pagpapatayo ng isang training building sa Bukidnon, isang proyektong pang-imprastraktura na umano’y labas sa pangunahing mandato ng ahensya.
Sa pagbanggit ng ulat ng Commission on Audit (COA) para sa 2024, sinabi ni Gatchalian na noong 2019, nakipagkasundo ang PCO sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa konstruksyon ng Government Communication Academy (Phase II) sa Bukidnon na nagkakahalaga ng P45.7 milyon.
Binanggit din ng senador na mula 2020 hanggang 2023, lumabas sa mga ulat ng COA ang katulad na proyekto ngunit may ibang halaga — P79 milyon, na nagdulot ng pagdududa sa tamang paggamit ng pondo.
Wala nang inilaang pondo para sa 2026 dahil 90% nang tapos ang proyekto, ayon kay Gatchalian.
Gayunman, iginiit niyang dapat busisiin kung bakit isang opisina sa ilalim ng Malacañang ang may gusali sa rehiyon.
“Bakit may communications office ang PCO sa Bukidnon?” tanong ni Gatchalian.
Sumang-ayon naman dito si PCO Secretary Dave Gomez, na nagsabing hindi dapat nasangkot ang PCO sa ganitong uri ng proyekto.
“I completely agree with Sen. Gatchalian’s opinion. The previous administration should have not engaged in such a public works project that falls outside our core responsibility,” ani Gomez.
Ayon sa PCO, ang proyekto ay inisiyatibo noong panahon ng Duterte administration, at orihinal na layuning maging training center para sa mga communication offices ng Malacañang at mga attached agencies nito.
Humingi ng pahayag ang media kay dating PCO Secretary Martin Andanar, na pumirma ng kontrata sa DPWH noong 2019, ngunit wala pa itong tugon sa oras ng paglalathala.
Sinabi ni Gatchalian na ₱124 milyon na ang nagagastos sa proyekto, at kung hindi ito tatapusin ay magiging “white elephant” lamang.
Samantala, plano ng kasalukuyang pamunuan ng PCO na ibigay ang gusali sa Northern Bukidnon State College kapag natapos na.
“The building’s donation to the Northern Bukidnon State College is already being finalized. Maraming mga mag-aaral sa state college sa Bukidnon ang makikinabang dito,” dagdag ni Gomez. (MINA PADERNA)
