Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte ang pag-asa na mapapayagang makalaya pansamantala ang kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay VP Sara, umaasa silang madidismiss ang kaso dahil sa isyung may kinalaman sa hurisdiksyon, ngunit habang nagpapatuloy ang proseso, humihiling sila ng interim release para sa dating pangulo bunsod ng kanyang edad at kalusugan.
“Sa ngayon, umaasa kami na maibasura ang kaso batay sa mga argumento ukol sa hurisdiksyon, at sa panahong pinagdedebatehan pa ito sa korte, kami po ay nananawagan na sana ay mapayagan muna siyang makalaya pansamantala dahil sa kanyang edad at kalagayan ng kalusugan,” pahayag ni VP Duterte mula sa The Hague.
Aminado si VP Sara na hindi pa malinaw kung kailan makakauwi sa Davao City ang kanyang ama, lalo’t hindi pa tiyak ang takbo ng kaso.
Matatandaang humiling ng urgent status conference ang depensa ng dating pangulo bago magbakasyon ang ICC ngayong Hulyo 25. Layunin nitong alamin kung magiging posible pa ang nakatakdang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23.
Pagkatapos ng pagdinig, may hanggang 60 araw ang mga hukom upang magpasya kung itutuloy ba ang kaso sa pormal na paglilitis.
Sa kabila ng kanyang pagkakapiit, sinabi ni VP Sara na nananatiling “good mood” ang dating pangulo. Gayunpaman, inilarawan niya itong “magulo ang itsura” dahil sa mahaba nitong balbas at bigote.
“Hindi pa rin siya makapagdesisyon kung papakulayan ba niya ang kanyang uban,” pabirong dagdag ni VP Duterte.
Patuloy na inaabangan ng publiko at ng buong bansa ang susunod na magiging hakbang ng korte sa kaso ng dating pangulo na nahaharap sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs noong kanyang administrasyon.
