May napili na si Bise Presidente Sara Duterte na makakasama bilang running mate para sa darating na 2028 elections, ngunit tumanggi muna itong pangalanan ang nasabing indibidwal.
Sa isang panayam sa programang Vox Populi ng SMNI Network nitong Linggo, Pebrero 21, ibinunyag ng Bise Presidente na noon pang nakaraang taon niya “ni-recruit” ang kanyang magiging katandem.
Ayon kay VP Sara, mas pinili niyang huwag muna isapubliko ang pagkakakilanlan ng nasabing tao upang bigyan ito ng sapat na panahon na makapag-isip at makapagdesisyon para sa sariling karera sa politika.
“Protektahan natin ‘yung tao hanggang sa makapagdesisyon siya,” paliwanag ng Bise Presidente matapos niyang kumpirmahin ang kanyang planong pagtakbo sa pagkapangulo.
Dahil sa pahayag na ito, lalong uminit ang mga espekulasyon sa kung sino ang posibleng katuwang ng Bise Presidente.
Bagaman lumulutang ang mga pangalan nina Senador Imee Marcos at Senador Robin Padilla bilang mga potensyal na kandidato, wala pang anumang kumpirmasyon mula sa kampo ni Duterte o sa mga nabanggit na mambabatas.
Gaganapin ang halalan sa 2028 kung saan inaasahang magiging sentro ng usapin ang mga alyansang mabubuo sa ilalim ng liderato ni Duterte.
