Bumuo ng tinaguriang “crack team” si Public Works Secretary Vince Dizon upang linisin at ayusin ang isa sa pinaka-tinutukoy na pugad ng korapsyon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa insider, limang bagong undersecretary ang agad na itinalaga para sa reporma at agarang rebisyon ng DPWH budget sa loob lamang ng isang linggo. Kabilang dito sina:
- Arthur “Ato” V. Bisnar, retiradong heneral ng PNP na dating Chief of the Directorial Staff at Quezon City Police District director;
- Charles T. Calima Jr., dating intelligence chief ng PNP at Bureau of Immigration, na nalinis sa Jack Lam bribery scandal matapos maabsuwelto ng Ombudsman;
- Raffy (Benjamin) Turgano, dating hukom ng Regional Trial Court at naging acting president ng Natural Resources Development Corporation at Wesleyan University-Philippines;
- Rico (Ricardo P.) Bernabe III, dating vice chair at executive officer ng National Police Commission (Napolcom); at
- Arrey A. Perez, dating presidente ng Clark International Airport Corporation na nakatrabaho ni Dizon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Binanggit ni Dizon na pangunahing direktiba niya ang pagsasaayos ng tiwala ng publiko at ang agarang pagbawas sa panukalang 2026 budget ng DPWH, partikular sa flood-control projects na umano’y tinayuan ng mga kuwestiyonableng “insertions” ng ilang mambabatas.
Itinuturing ang pagbubuo ng naturang “cleanup crew” bilang isang matapang na hakbang ng kalihim upang labanan ang talamak na katiwalian at ibalik ang kredibilidad ng kagawaran sa mata ng publiko.
