Umapela si Mayor Vico Sotto sa publiko na manatiling mapagbantay sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects ng gobyerno, kasabay ng pagdududa niya sa testimonya ng negosyante at kontratista na si Sara Discaya sa Senado.
Sa isang Facebook post nitong Martes, sinabi ni Sotto na hindi naging tapat at palyado sa mga sagot si Discaya, na dati niyang katunggali sa pagka-alkalde ng Pasig, habang tinatanong sa pagdinig noong Lunes.
“I hope all relevant authorities act quickly, before they get away. We will continue to do our part,” ani Sotto.
Mariin ding iginiit ng alkalde na hindi maaaring mabaon sa limot ang isyu.
“Hindi tayo papayag na basta na lang tatahimik at mawawala ang isyu pagkatapos ng ilang buwan; kailangan may managot. Contractors, politicians, and DPWH and other government employees. Kung hindi, paulit-ulit lang ‘to mangyayari sa bayan natin,” dagdag niya.
Ibinunyag din ni Sotto na dapat ipatawag muli ang mga opisyal ng DPWH at mga kontratista upang linawin ang usapin ng umano’y advance payment at SOP o kickback sa mga proyekto.
“Para sa next hearing, I hope both the contractors and the DPWH officials will be asked directly: Totoo ba na naga-advance ang ibang contractor ng hanggang 40 percent ng project cost sa mga congressman/politiko? Ano ang hatian?” tanong ng alkalde.
Hindi rin nakaligtas sa tirada ng mayor ang grupo ni Discaya, na aniya’y hindi lang si Sara dapat ang humarap sa Senado.
“Para sa Discaya group, sana hindi lang si Madam Cesarah ang ipatawag, dahil mukhang mas may alam kanyang Campaign and DPWH Project Mistermind na si Curlee ‘Great Pacific’ Discaya,” giit ni Sotto.
Nanatiling tikom ang bibig ng pamilya Discaya hinggil sa mga paratang ng alkalde.
