Pormal nang hiniling ng US Department of State sa gobyerno ng Pilipinas na isuko na ang Kingdom of Jesus Christ founder na si Pastor Apollo Quiboloy, ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ngayong Huwebes, Agosto 6, 2026.
Ayon kay Romualdez, nais ng Estados Unidos na makuha si Quiboloy sa lalong madaling panahon upang harapin ang kaniyang 2021 indictment sa California para sa mga kasong sex trafficking of minors, fraud, at bulk cash smuggling.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naipasa na nito ang pormal na kahilingan sa Department of Justice (DOJ).
Ipinaliwanag naman ng DOJ na sa ilalim ng Article 11 ng RP-US Extradition Treaty, may dalawang opsyon ang pamahalaan: maaari nitong paunahin ang pagtapos sa mga kaso ni Quiboloy sa Pilipinas bago ipadala sa US, o kaya naman ay panandaliang ibigay muna ito sa kustodiya ng Amerika para sa litisin doon.
Samantala, ikinatuwa at nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa DOJ na agad aksyunan ang ekstradisyon upang matuldukan ang impluwensya ng pastor sa bansa at hindi na mabulabog ang mga biktimang tumestigo laban sa kaniya.
“Wala na siyang dapat matirang kahit katiting na impluwensya dito sa Pilipinas. His continued presence in this country still emboldens his followers to harass the very survivors who found the courage to speak against him,” pahayag ni Hontiveros.
