ARESTADO ang isang bading na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga nang kumagat umano sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Huwebes ng madaling araw.
Ayon kay Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na si alyas “Ella”, 28, residente ng Brgy., Potrero, Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Lt. Dascil na ikinasa nila ang buy bust operation laban kay ‘Ella’ sa koordinasyon sa PDEA nang magpositibo ang natanggap nilang ulat hinggil sa umano’y illegal drug activities nito.
Matapos umanong tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, ay agad siyang dinamba ng mga operatiba ng SDEU dakong alas-5:00 ng madaling araw sa R. Jacinto Street, Brgy. Canumay West.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang sa 3 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400, buy bust money na isang tunay na P500 bill, at dalawang P500 boodle money, P200 cash at coin purse.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang SDEU team sa kanilang dedikasyon at pagsisikap para hulihin ang mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga sa Valenzuela. (JUVY LUCERO)
