PATAY ang isang lalaki habang malubhang nasugatan ang kanyang live-in partner matapos pagbabarilin ng tatlong hind kilalang mga suspek na namatay din ang isa sa kanila nang makaganti ng putok ang dalawang kasama ng mga biktima sa Malabon City.
Hindi umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan si alyas “Mike”, 43, habang ginagamot naman sa MCU hospital ang kanyang live-partner na si alyas “Jeny”, 49, kapwa ng Letre, Brgy., Tonsuya.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/MSg. Diego Ngipol at P/MSg. Michael Oben, dakong alas-11:10 ng gabi, nakaupo sa palibot ng isang mesa sa Block 4, Letre, Damata, Brgy., Tonsuya ang mag live-in partner, kasama sina alyas “Bert”, 47, Kagawad ng Brgy., Tonsuya at alyas “Virgil”, 53, driver security, nang dumating ang tatlong suspek na pawang nakatakip ng puting towel ang mga mukha at nakasuot ng mga sumbrero bago pinagbabaril ang mga biktima.
Sapul ang mag live-in partner habang hindi tinamaan sina ‘Virgil’ at ‘Bert’ na nagawang makaganti ng putok na nagresulta sa agarang pagkamatay ng isa sa mga suspek.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang dalawang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang mag live-in partner sa magkahiwalay na pagamutan.
Nakumpiska sa nasawing suspek ang isang kalibre .45 pistol na may isang magazine at kargado ng isang bala at isang cellphone habang nasa kustodiya naman ng pulisya sina ‘Bert’ at ‘Virgil’ at kinumpiska rin ang kanilang baril na parehong kalibre .45 pistol.
Nasamsam naman ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang 20 pirasong basyo ng bala, at dalawang deformed fired bullet.
Patuloy naman ang follow up operation at imbestigasyon para sa posibleng pakakilanlan at pagkakaaresto sa dalawa pang suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente. (JUVY LUCERO)
