May 16, 2024

Top 6 most wanted person ng NPD, timbog

Natimbog ng mga awtoridad ang tinaguriang Top 6 Most Wanted Person ng Northern Police District (NPD) sa kanyang pinagtataguan sa Calumpit, Bulacan, makalipas ang limang taon pagtatago.          

Sa report ni District Special Operation Unit (DSOU) head P/Col. Ferdinand Del Rosario kay NPD Director PBGen. Eliseo Cruz kinilala ang naarestong suspek na si Rudy Mar Cruz, 25, online seller (Auto Parts).

Ayon sa ulat, matapos ang nalikom na impormasyon at makumpirma ng mga tauhan ng DSOU ang hinggil sa pinagtataguan ng suspek ay agad bumuo ng team si Col. Del Rosario.

Pinangunahan ni P/Major Amor Cerillo at PLT Melito Pabon ang binuong team ng NPD-DSOU sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Del Rosario, kasama ang RIU, IG, NCR ay pinantahan ng mga ito ang pinagtataguan ng suspek sa Gatbuca, Zone 4, Calumpit Bulacan.

Hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin ng mga pulis dakong 7:45 ng gabi sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Emmanuel D. Laurea, presiding Judge, Malabon RTC Branch 169 sa kasong Frustrated Murder na may inirekomendang piyansa na P200,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Kaugnay nito, pinuri ni NPD Director Cruz ang mga miyembro ng operating team na masigasig na nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkadakip sa suspek.