May 19, 2024

Tiyo utas sa pamangkin

Nasawi ang isang 29-anyos na street sweeper matapos pagsasaksakin ng kanyang pamangkin makaraan ang kanilang mainitang pagtatalo sa Caloocan City, Lunes ng gabi.


Sa nakarating na report kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, dead on the spot ang biktimang si Artjhan Mijares ng 57 KBS Compound, Kapanalig St. Brgy. 28, sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan


Patuloy naman ang manhunt operation ng pulisya kontra sa suspek na kinilala bilang si Jefferlon Amigan, 20, residente din ng KBS Compound.


Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Rodolfo King Bautista, unang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at kanyang pamangkin dakong alas-11 ng gabi sa hindi pa malaman na dahilan.


Habang magtatapon sana ang biktima ng kanilang basura bandang alas-11:30 ng gabi sa Talakitok Street nang sundan umano siya ng kanyang pamangkin na armado ng patalim at sinaksak sa katawan.

Kahit sugatan, nagawang makatakbo ni Mijares subalit hinabol siya ng kanyang pamangkin at nang makorner sa kanto ng Talakitok St. at C-3 Road ay muling pinagsasaksak ng suspek sa katawan ang biktima na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy direksyon habang inaalam pa ng pulisya kung anu ang pinagmulan ng pagtatalo ng magtiyuhin na nauwi sa pananaksak.