Binatikos ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio si Vice President Sara Duterte matapos nitong igiit na ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay “stuck” sa paper and pencil level.
Ayon kay Tinio, wala raw karapatan si VP Duterte na magreklamo, lalo’t siya mismo ay nagsilbi bilang Department of Education (DepEd) secretary mula Hunyo 2022 hanggang Hulyo 2024—at, ayon sa Makabayan solon, pinakamasamang DepEd secretary sa kasaysayan.
“Vice President Duterte has the audacity to criticize the education system when she herself is the worst DepEd secretary ever,” ani Tinio sa isang pahayag nitong Martes, Agosto 19.
Binanggit ni Tinio ang nakalulungkot na report ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), na nagpakita ng mababang budget utilization sa ilalim ng pamumuno ni Duterte. Halimbawa, 11 hanggang 17 porsyento lamang ng pondo para sa textbooks at learning materials ang naipamahagi noong 2023 at 2024.
“Paano niya masasabing kulang tayo sa teknolohiya eh hindi nga niya naibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng mga estudyante?” tanong ni Tinio.
Ayon sa Commission on Audit (COA), nakumpleto lamang ng DepEd sa ilalim ni VP Duterte ang 192 classrooms mula sa target na 6,379 noong 2023. Dagdag pa ni Tinio, mas binigyang-pansin umano ni Duterte ang confidential funds ng DepEd kaysa sa tunay na learning crisis.
Ipinunto rin ni Tinio ang mababang implementasyon ng school-based feeding programs na umabot lamang sa 48 porsyento, habang bilyon-bilyong piso para sa edukasyon ang nanatiling hindi nagamit. “Ang mga batang gutom at walang aklat, paano matututo ng robotics at coding?” ani niya.
Pinuna rin niya ang paggamit ng VP ng UNICEF statistics tungkol sa kakayahan ng mga high school students na magbasa, na aniya ay sumasalamin sa sariling kakulangan ng dating DepEd chief, hindi lang sa sistema ng edukasyon.
“Mas inatupag pa niya ang confidential funds sa DepEd sa halip ng learning crisis. You are definitely the worst DepEd secretary ever!” dagdag pa ni Tinio.
