INIHAYAG ni Navotas City Congressman Toby Tiangco na panahon para hanapin ng mga embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa si dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co at iuwi sa bansa.
Kasunod ito ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanselado na ang pasaporte ni Zaldy Co kaya kaagad niyang inatasan ang Department of Foreign Affairs at Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa mga embahada sa iba’t ibang bansa para aniya matiyak na hindi maaaring magtago ang mga hinahabol ng gobyerno na nagtatago sa ibang bansa.
“Welcome development ang announcement ni President Bongbong Marcos na kanselado na ang passport ni Zaldy Co. Sa wakas, natapos ang napakahabang paghihintay,” pahayag ni Tiangco.
“Matagal na nating hinihingi ito dahil malinaw ang mga batayan. Kung may “passport to freedom” dati, mukhang may one-way ticket to accountability na ngayon,” dagdag niya.
Binigyang diin ni Tiangco na kailangang gawin ng mga Philippine Embassy sa iba’t ibang bansa ang lahat ng kanilang makakaya para mahanap si Zaldy Co at maiuwi sa Pilipinas.
“Patuloy tayong magbabantay para masiguro na haharap si Zaldy Co sa hustisya. Suportado natin ang mga hakbang para mapanagot ang lahat ng nang-abuso sa tiwala at pondo ng mamamayang Pilipino,” sabi niya. (JUVY LUCERO)
