Larawan mula sa PNA
Nasa yellow alert status ang Visayas power grid ngayong Huwebes, Disyembre 11, 2025, mula 5:00 PM hanggang 6:00 PM, dahil sa kakulangan ng reserbang kuryente sa rehiyon.
Sa pinakahuling alert status na inilabas alas-9:30 ng umaga, iniulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ang Visayas grid ay may available capacity na 2,578 megawatts (MW) habang ang inaasahang peak demand ay 2,535 MW.
Batay sa datos, 10 power plants ang nasa forced outage mula Abril hanggang Disyembre; 3 mula 2024; 2 mula 2023; at 1 planta ang offline pa mula 2021. Bukod dito, 16 planta ang tumatakbo sa derated capacities, dahilan upang umabot sa 482.41 MW ang hindi magamit na supply sa grid.
Ayon sa NGCP, ilan sa mga salik na nagresulta sa pagtaas ng yellow alert ay ang pagtaas ng demand sa Visayas ng 36 MW ngayong araw, patuloy na outage ng KSPC Unit 2 (103 MW), pagtaas ng demand sa Mindanao ng 49 MW, na naglimit sa MVIP export sa Visayas sa 207 MW at pagbaba ng kapasidad ng Agus 6 sa 66.5 MW mula 101 MW kahapon.
Samantala, nananatiling normal ang kalagayan ng Luzon at Mindanao grids.
Ipinaliwanag ng NGCP na ang yellow alert ay inilalabas kapag ang operating margin ay hindi sapat upang matugunan ang kinakailangang contingency reserve ng transmission grid. (Arnold Pajaron Jr)
