SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki na wanted sa kaso ng panggagahasa nang maaresto ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nakatala ang 39-anyos na akusado na si alyas “Edgar” bilang No. 5 sa Top Ten Most Wanted Person sa Valenzuela CPS kaya ipinag-utos niya sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis dito.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Col. Talento hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad silang nakipagkoordinasyon sa NDIT, RIU-NCR, at IG bago ikinasa ang operation.
Dakong alas-8:30 ng gabi nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela CPS ang akusado sa Blk 12, Lot 2, Morning Ville 2A, R. Jacinto Street, Brgy., Canumay West.
Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga tauhan ni Col. Talento sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 172, Valenzuela City, noong January 18, 2024 para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa.
Matapos nito, dinala ang akusado sa Valenzuela City Emergency Hospital para sa medical examination bago tinurnover sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS kung saan siya pansamantalang nakapiit habang hinihintay ang utos mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (JUVY LUCERO)
