Binuksan na sa publiko ang “Tanaw-Laya,” ang ika-2 National Persons Deprived of Liberty (PDL) Art Exhibition na ginaganap sa Samsung Performing Arts Theater, Circuit, Makati.
Tampok sa exhibit ang mga obra na likha ng mga kamay ng mga bilanggo mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Layunin ng nasabing aktibidad, na tatagal hanggang Mayo 8, na ipakita na ang pagkapiit ay hindi hadlang sa pagpapakitang-gilas ng sining at ang sistemang panghustisya sa Pilipinas ay may puwang para sa rehabilitasyon at pag-asa.
Nagpamalas ng galing ang Bureau of Corrections (BuCor) matapos itong makasungkit ng limang parangal sa tatlong pangunahing kategorya.
Sa larangan ng Pyrography, nakuha ni Ronnie Liles Dosojan ng San Ramon Prison and Penal Farm ang unang puwesto para sa kanyang obrang “Journey of Light,” habang pumangalawa naman si Romeo T. Monsato mula sa Leyte Regional Prison.
Sa kategorya ng Sculpture, itinanghal na kampeon si Leonard L. Anas Jr. ng Leyte Regional Prison para sa kanyang likhang “Luksong Baka.” Pagdating naman sa Painting, nasungkit nina Reynald P. Berez at Randy J. Bolaños ng Sablayan Prison and Penal Farm ang ikalawang puwesto, habang nakuha ni Joseph Manlolo mula sa Maximum Security Camp ang ikatlong puwesto. Tumanggap ang mga nagwagi ng cash prizes na P50,000, P30,000, at P20,000 base sa kanilang ranggo.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang tagumpay na ito ay isang malaking morale booster para sa mga PDL.
“Ang ating mga PDL ay nanalo ng lima sa siyam na awards… patunay ito na sa kabila ng rehas, ang pagkamalikhain at talento ay patuloy na uusbong,” ani Catapang.
Ang exhibit ay inorganisa ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC), sa pamumuno ni Sandiganbayan Associate Justice Karl Miranda. Ang JSCC ay ang mekanismong nag-uugnay sa Supreme Court, Department of Justice (DOJ), at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang ayusin ang administrasyon ng hustisya sa bansa.
Ang mga likhang-sining ay tumatalakay sa mga temang malapit sa puso ng mga PDL gaya ng pangarap, pangungulila, pag-ibig, at ang hangad na kalayaan.
Inaasahan na sa pamamagitan ng “Tanaw-Laya,” masisilip ng publiko ang pagkatao at kuwento ng mga PDL nang higit pa sa kanilang pagkakamali, tungo sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan bilang mga produktibong mamamayan.
