Inatasan ni Executive Secretary Ralph Recto ang mga transport authorities na makipagtulungan nang husto sa mga Local Government Units (LGUs) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa mabilis na pagpapatupad ng transport assistance package ng pamahalaan.
Layunin ng direktiba na maibsan ang epekto ng nagtataasang presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East. Sa ginanap na pagpupulong nitong Miyerkules, April 15, hiningi ni Recto ang “whole-of-government approach” upang masigurong makakarating ang tulong sa mga driver, operator, at mga commuter.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dalawang pangunahing programa ang tututukan kabilang ang Pantawid Pasada Fuel Subsidy p ara sa mga jeepney at UV Express operators at drivers, gayundin ang Service Contracting Program (SCP) para sa mga bus at jeepney sa mga piling ruta.
Sa ilalim nito, makakatanggap ang mga driver/operator ng subsidiya na P40 hanggang P100 kada kilometro.
kapalit ng subsidiya sa SCP, obligado ang mga PUV na magbigay ng 20% fare discount sa lahat ng mga pasahero. Ang diskwentong ito ay bukod pa sa umiiral na 20% discount para sa mga senior citizens at PWDs.
Nagsimula na ang rollout ngayong linggo sa Metro Manila. Unang ipatutupad ang programang ito sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, bago palawakin sa Quezon Avenue, España, Zapote, A. Bonifacio, Rizal Avenue at Marcos Highway.
Inaasahang aabot sa 50,000 drivers at 15 milyong commuter ang makikinabang sa programang ito kapag naipatupad na sa buong bansa.
Kasabay ng subsidiya, mahigpit din ang utos ni Pangulong Marcos na bantayan ang mga mapagsamantalang gas stations.
Inatasan ang Department of Energy (DOE), PNP, at DICT na sugpuin ang hoarding at profiteering.
Sa kasalukuyan, mahigit 1,000 reklamo na ang naitala sa eGov platform ng DICT laban sa mga abusadong negosyante ng langis.
Matatandaang nagdeklara ng National Energy Emergency ang Pangulo noong March 24 matapos sumipa ang presyo ng diesel at gasolina dahil sa giitang U.S.-Israel at Iran. Mula sa dating P48-P73 kada litro, umabot ang presyo ng diesel sa P170 bago ang ceasefire noong April 8.
Inaasahan ding maglalabas ang LTFRB ng bagong fare matrix ngayong linggo upang gabayan ang mga pasahero sa tamang singil sa pamasahe.
