Binunyag ni Senator Tito Sotto na posibleng tatlo o apat sa construction company owners sa listahan na inilabas ng Pangulo ay hindi talaga ang may-ari ng kanilang kumpanya kundi ginagamit lang bilang “dummy” o front ng ilang government officials.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ng senador na kahit mas marami pa ang gumagawa nito, hindi lang nabubuko dahil maliit na halaga lang ng proyekto ang kanilang hawak.
“Ibig sabihin, ang pangalan sa owner ng construction company ay ginagamit lang bilang pang-front,” paliwanag ni Sotto.
Aniya, hindi pa kumpirmado kung sino ang mga opisyal ng gobyerno na nasa likod ng mga kumpanyang ito, at tumanggi siyang pangalanan ang mga construction company sa ngayon.
Ayon sa senador, posibleng sa Lunes ay magkaroon ng pagbubulgar hinggil sa isyung ito.
Samantala, naniniwala si Sotto na dapat nang amyendahan ang batas na bumuo sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) upang mas malinaw ang pagbabawal sa mga opisyal nito na pumasok sa kontrata ng gobyerno.
Aniya, dapat higpitan ang patakaran ng PCAB sa pagtanggap o pag-aaccredit ng mga kumpanya upang maiwasan ang mga sitwasyon ng conflict of interest, tulad ng nangyari sa kaso ni Discaya.
Tinutukoy ni Sotto ang insidente kung saan siyam na kumpanya ang sumali sa bidding, ngunit iisa lamang ang may-ari, na nagdudulot ng posibleng anomalya.
Binanggit din niya ang Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) bilang isa sa mga dapat suriin.
Ani Sotto, malinaw na kailangan ng reporma sa PCAB law upang masiguro ang transparency at maiwasan ang pang-aabuso sa mga government contracts.
