Tatlong suspek sa droga ang naaresto matapos mahulihan ng P144,840 halaga ng pinaghihinalaang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City nitong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat, isinagawa ng Eastern Police District (EPD) Drug Enforcement Unit ang operasyon bandang 8:40 p.m., na nagresulta sa pag-aresto kina alyas Arwin, 43, ika-5 sa regional high-value individual drug list; alyas Julio, 34, ika-9 sa parehong listahan; at alyas Karlo, 37, residente ng Urbano Avenue, Barangay Pinagbuhatan.
Narekober mula sa mga suspek ang apat na heat-sealed plastic sachets ng puting kristalinang substansiya, tinatayang 21.30 gramo, na may estimated market value na P144,840. Kasama rin sa nakuha ang pitong P1,000 bills bilang buy-bust money.
Dinala ang mga suspek sa District Drug Enforcement Unit Office para sa dokumentasyon at processing.
Ang nakumpiskang ebidensya ay ibinigay sa PNP Forensic Unit, at sasailalim din ang mga suspek sa medical examination bago ilipat sa EPD custodial facility.
Kasalukuyang inihahanda ang kaso para sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasig City Prosecutor’s Office.
