Ipinahayag ni Public Works Secretary Vince Dizon nitong Miyerkules na pansamantalang ipatitigil niya ang lahat ng bidding para sa mga locally funded projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa buong bansa.
Ang kautusan ay kasunod ng mainit na imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood-control projects sa iba’t ibang panig ng bansa.
“I will order today a pause to all bidding of locally funded projects nationwide,” ani Dizon sa isang press conference.
Sakop ng suspensyon ang lahat ng bidding mula sa national, regional, at district offices ng DPWH.
Paliwanag ni Dizon, ang hakbang ay upang magkaroon ng panahon ang ahensya na suriin at linisin ang mga kasalukuyang proyekto, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Use his own words, he (Marcos) doesn’t want the people’s money and projects to be thrown into the river again,” dagdag pa ng kalihim.
Binigyan lamang ni Dizon ng dalawang linggo ang ahensya upang makapagtakda ng mga panibagong safeguards sa proseso ng bidding.
Samantala, tuloy pa rin ang mga foreign-assisted projects, dahil aniya’y mas mahigpit ang pagbabantay ng mga foreign funders at advisors.
Sa parehong kumperensya, ibinunyag din ni Dizon na humiling siya sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa ilang indibidwal na sangkot umano sa iregularidad sa flood-control projects.
Kabilang sa mga pinangalanan ni Dizon ay sina Assistant Regional Director Henry Alcantara at mga kontratistang sina Curlee at Sarah Discaya. Matatandaang noong Martes, inihayag ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na sa halos 1,600 validated flood control projects sa bansa, hindi bababa sa 15 ang “non-existent” o nawawala.
