Bagsak sa kulungan ang dalawang lalaking suspek na itinuturong nasa likod ng sunod-sunod na nakawan sa mga convenience store matapos ang mabilis na follow-up operation ng mga otoridad nitong Abril 12, 2026.
Naganap ang krimen bandang alas-2:20 ng madaling araw sa Barangay San Jose. Ayon sa ulat, naka-duty ang mga biktimang sina Alyas Abby, 26, at Alyas Ken, 25, kapwa store crew, nang bigla silang lapitan ng dalawang armadong suspek.
Gamit ang isang patalim at isang caliber .22 pistol, nagdeklara ng holdap ang mga suspek at tinangay ang dalawang cellphone at cash na nagkakahalaga ng Php1,000.00. Agad tumakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo patungo sa direksyon ng E. Rodriguez Highway kung saan naghihintay ang isa pa nilang kasabwat.
Dahil sa maayos na koordinasyon sa pagitan ng Rodriguez Municipal Police Station at Quezon City Police Station 13, agad na natunton at naaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina alyas “Christian” at alyas “Mark,” na parehong residente ng Quezon City.
Narekober mula sa mga suspek dalawang nakaw na cellphone, isang (1) bag at isang (1) .22 caliber pistol
Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na ang mga suspek ay sangkot din sa iba pang serye ng panghoholdap sa mga convenience store sa loob ng bayan ng Rodriguez.
Pinuri ni PCOL Atty. Eleazar R. Barber Jr., Provincial Director, ang mabilis na aksyon ng kanyang mga tauhan.
“Ang mabilis na pagkakaaresto sa dalawang suspek ay patunay ng ating pinaigting na operasyon at matibay na koordinasyon ng kapulisan upang sugpuin ang mga masasamang elemento sa lalawigan ng Rizal,” pahayag ni Barber.
Kasalukuyang nasa custodial facility ng Rodriguez MPS ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong Robbery (Hold-up) at paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearms).
Samantala, nagpapatuloy ang manhunt operation laban sa ikatlong kasabwat na nananatiling at-large.
