PATAY ang isang lalaki, habang kalaboso naman ang kanyang kainuman matapos mauwi sa madugong agawan ng cellphone ang kanilang tagayan sa Sitio Eldorado, Brgy. San Jose, Antipolo City nitong Huwebes ng madaling araw, Hunyo 18.
Kinilala ng Antipolo CCPS ang nasawing biktima na si alyas “Jade,” habang arestado naman ang suspek na si alyas “Tantan,” 33-anyos, walang trabaho.
Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-2:40 ng madaling araw nang magpasya ang grupo na magsipauwi matapos mag-inuman sa bahay ng saksing si alyas “Grant.”
Habang papauwi kung saan naunang maglakad si Jade at naupo sa isang nakaparadang tricycle para mag-cellphone.
Dito na umepal ang suspek na si Tantan at sapilitang inagaw ang cellphone.
Dahil nanlaban si Jade, nakadampot ng isang pirasong kahoy si Tantan at hinambalos ito sa ulo.
Kahit ininda ang ginawang pagpalo sa kanya, nakabunot pa rin ng patalim sa baywang ang biktima at sunod-sunod na sinaksak ang suspek.
BASAHIN: 26-anyos na bebot, utas sa 3 bala sa Caloocan
Naawat naman ng saksing si Grant ang dalawa. Paalis na sana ng lugar si Grant habang akay-akay si Jade pauwi nang bigla itong humandusay at mawalan ng malay.
Isinakay sa tricycle ang biktima sa tulong ng nagpapatrulyang pulis pero idineklara na itong dead on arrival ni Dr. Jose Rey Raquero sa ospital.
Kamalasan naman ng suspek dahil dinala rin siya ng mga concerned citizens sa parehong ospital para ipagamot ang mga saksak sa katawan.
Doon siya positibong itinuro ng saksi kaya inaresto sa ospital si Tantan na nahaharap ngayon sa kasong Homicide.
