Photo credit: Gil Sabanal Paw/Facebook
Inaasahang magagamit na ng mga Pasigueño sa loob ng ilang buwan ang bagong Pasig City Hall na nagkakahalaga ng P9.2 bilyon, matapos ang mabilis na konstruksyon nito na umabot lamang ng walong buwan mula nang mag-groundbreak hanggang sa maabot ang pinakamataas na istruktura nito.
Ginanap nitong Lunes, Hunyo 15, ang isang topping-off ceremony matapos maabot ng gusali ang maximum structural height nito. Sinundan ito ng inspeksyon nina Mayor Vico Sotto at iba pang opisyal ng lungsod kasama ang partner nito, ang Pasig City Hall Construction Consortium.
Matatandaang isinagawa ang groundbreaking at capsule-laying ceremony para sa tinaguriang “pinakamalaking infrastructure project ng lungsod” noong Oktubre 2025.
Ikinagulat ni Sotto ang bilis at episyenteng pagpapatayo ng proyekto, pati na rin ang lawak nito habang nag-iikot sa loob.
BASAHIN: San Juan, handa na sa Wattah Wattah Festival 2026
“I realized that the New City Hall is actually four buildings: 3 interconnected towers + a huge plaza that is elevated with parking/evacuation areas underneath,” pahayag ni Sotto. “Ilang buwan na lang magagamit na ito ng mga Pasigueño!” dagdag ng alkalde.
Ayon sa alkalde, napilitan ang lokal na pamahalaan na simulan ang proyekto matapos maiulat noong 2019 ang mga bitak at pinsala sa lumang City Hall. Dahil walang available na rekord o structural plans ang lumang gusali, hindi makapagsagawa ng maayos na pagsusuri ang mga engineer ng lungsod.
Bunga nito, kumuha ang LGU ng isang structural engineering firm kung saan lumabas sa pagsusuri na ang mga gusaling bumubuo sa lumang Pasig City Hall ay “not structurally sound and no longer safe to occupy” o hindi na ligtas na panirahan at gamitin.
Siniguro naman ni Sotto na ang bagong istruktura ay dinisenyo para maging future-ready at magtagal para sa mga susunod pang henerasyon.
Sa usaping pinansyal, unang inihayag ng lokal na pamahalaan na ang Approved Budget for the Contract (ABC) o price ceiling sa bidding ay nagkakahalaga ng P9.6 bilyon. Gayunman, napanalunan ito ng Pasig City Hall Construction Consortium sa mas mababang bid na P9.2 bilyon.
Paliwanag ni City Administrator Atty. Jeronimo Manzanero, ang kabuuang construction cost ay nagkakahalaga ng P8,269,436,471.17.
Kasama na rito ang P5.7 bilyon para sa city hall infrastructure at P2.5 bilyon para sa mga karagdagang pasilidad (additional works). Kasama ang Value Added Tax (VAT) na nagkakahalaga ng P992,332,376.54, ang pinal na kabuuang halaga ng kontrata ay pumatak sa eksaktong P9,261,768,847.71.
