Tiniyak ni Mayor Francis Zamora na plantsado na ang lahat ng latag sa seguridad, trapiko, at mga aktibidad para sa darating na Kapistahan ni San Juan Bautista sa Hunyo 24. (Kuha ni ART TORRES)
Todo-kayod na ang pamahalaang lungsod ng San Juan para sa pagdiriwang ng taunang Wattah Wattah Festival sa darating na Hunyo 24, kung saan plantsado na ang mga itinalagang “Basaan zones,” liquor ban, at ang deployment ng may 400 tauhan ng pulisya.
Ayon kay Mayor Francis Zamora sa isang press briefing nitong Huwebes, target ng lungsod na mapanatili ang “zero violators” na naitala noong nakaraang taon.
“We are trying our best to make the Wattah Wattah festival 2026 as peaceful and joyous as last year, unlike what happened in 2024, when San Juan became viral for all the wrong reasons,” pahayag ni Zamora.
Matatandaang naging mitsa ng pambabatikos sa social media ang selebrasyon noong 2024 matapos magwala ang ilang indibidwal—na pinaniniwalaang hindi taga-San Juan—dahil sa walang pakundangang pambabasa.
BASAHIN: Kalusugan ng manggagawa at kabataan sa Malabon, pinalakas ni Mayor Sandoval
Bunga nito, maraming commuters ang naperwisyo, nabasa, at nasiraan ng mga mamahaling kagamitan tulad ng mga cellphone at laptop na nauwi pa sa gulo.
Upang hindi na maulit ang insidente, nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng mga guidelines para sa kapistahan ni San Juan Bautista.
Papayagan lamang ang tradisyunal na basaan sa kahabaan ng Pinaglabanan Road, partikular sa pagitan ng N. Domingo at P. Guevarra.
Magsisimula ang basaan sa ganap na alas-7:00 ng umaga at magtatapos nang alas-2:00 ng hapon sa Hunyo 24.
Ipatutupad din pagbabawal sa alak mula alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-2:00 ng hapon sa araw ng kapistahan.
Kasalukuyan namang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa San Juan Police at Eastern Police District (EPD) para sa seguridad ng lungsod.
“Last year, around 400 PNP personnel were deployed in key areas in the city. We are still discussing whether to increase or reduce the number,” dagdag ng alkalde upang matiyak na magiging mapayapa at masaya ang selebrasyon ngayong taon.
