Ang Pagbisita ng Pangulo at mga delegasyon ng Alemanya sa Fort Santiago
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
SA pambihirang pagkakataon ay bumisita sa Fort Santiago, Intramuros, Lungsod Maynila, ang Pangulo ng Republika ng Alemanya na si Frank-Walter Steinmeier noong 16 Hunyo 2026 Martes. Kasama sa pagbisita sina Gng. Elke Büdenbender at Kagalang-galang Andres Pfaffernoschke, ang Embahador ng Alemanya sa Pilipinas.
Ang Pangulo at mga delegasyonay ginabayan sa pagbisita ni Dr. Ambeth R. Ocampo, historyador, manunulat, at dating Tagapangulo (nanilbihan 2002-11) ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP, itinatag 1933), sa loob ng Fort Santiago, kabilang ang Dambanang Rizal at ang mga piitan. Ipinakilala ni Dr. Ocampo sa Pangulo at mga delegasyon ang mahahalagang dokumentong pangkasaysayan na nagtatampok sa ugnayan ni Dr. Jose Rizal (1861-96) sa Alemanya, kabilang ang ‘Noli Me Tangere’ na naipalimbag sa Berlin noong 1887, at ang salin sa Tagalog ni Rizal ng ‘Wilhelm Tell’ ni Friedrich Schiller (1759-1805).
Ang naganap na pagbisita ay nagbigay ng magandang pagkakataon upang maitampok ang patuloy na makasaysayan at ugnayan ng Pilipinas at Alemanya sa kultural habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng Fort Santiago bilang isa sa pinakamahalagang pamanang-lokal sa bansa. Sa pamamagitan ng patuloy na pangangalaga at pagpapalaganap ng mga lugar na may kaugnayan sa buhay at mga ginawa ng pambansang bayani, patuloy na nagsisilbing tulay ang Intramuros para sa pag-unawa sa kultura at pagpapahalaga sa kasaysayan ng mga bansa.
Nagkaroon ng bilateral meeting sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Pangulong Steinmeier sa Palasyo ng Malakanyang hinggil sa mahahalagang usapin kabilang ang depensa, peacebuilding, at iba pang larangan ng pagtutulungan ng dalawang bansa, kasabay ang pagsuporta ng Alemanya sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
BASAHIN: Lektura ng Alyansang Pranses sa Maynila, Tagumpay!
Ang huling pagbisita ng head of state ng Alemanya sa Pilipinas ay noon pang 1963 sa ilalim ng pamumuno ni Karl Heinrich Lübke (1894-1972) bilang pangulo ng Kanlurang Alemanya (nanilbihan 1959-69). Si Steinmeir ang ikalabindalawang (12) pangulo ng Alemanya na nahalal noong 19 Marso 2017.
Maituturing na ang pagbisita ni Pangulong Steinmeier ay sumasalamin sa matagal nang pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at Alemanya sa loob ng mahigit na pitong dekada. Ang papel ng pamana ng kultura ay binibigyang-diin sa pagpapalakas ng makabuluhang pandaigdigang ugnayan ng mga tao sa isa’t isa.
