Mukhang hindi na uubra ang “separation of Church and State” pagdating sa West Philippine Sea (WPS), dahil mismong ang mga Obispo na ang sumabak sa frontlines—hindi para mag-misa, kundi para maging back-up ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa isang pambihirang pagkakataon, binasbasan nina Archbishop Socrates Villegas at Bishop Pablo Virgilio David si Commodore Jay Tarriela matapos nitong “bardagulin” ang China sa social media.
Ayon sa Simbahan, ang pangbu-bully ng China ay hindi na lang isyung politikal kundi isang “profoundly moral” na problema—na sa madaling salita ay: “Masama ang mang-agaw ng hindi sa’yo, lalo na kung isda ang pinag-uusapan.”
Hindi rin nakaligtas sa “Banal na Talak” si Senator Alan Peter Cayetano. Binansagan siya ng mga kritiko at ilang mambabatas na “Tsinador” (isang hybrid ng Senator at China) matapos niyang pagsabihan si Tarriela dahil sa paggamit nito ng caricature ni President Xi Jinping.
Ayon sa Simbahan, habang “shina-shame” ng mga pro-China politicians ang ating mga bayani, ang PCG naman ang tunay na nagbabantay sa kawan ng Diyos.
Mukhang sa mata ng mga Obispo, mas matapang pa ang mangingisdang sakay ng bangkang papel kaysa sa senador na “sensitive” para sa dignidad ng dayuhang lider. Araykupo!
Samantala, sa loob ng Bureau of Diplomacy, tila nagkaka-ubusan ng “cool” dahil sa bagong Chinese Ambassador na si Jing Quan.
Sa loob lang ng dalawang buwan, binansagan siya ni Sen. JV Ejercito na “Agitator” imbes na “Ambassador.”
Imbes na “cold water” ang ibuhos sa lumiliyab na tensyon, tila “gasolina” ang dala ni Quan tuwing bubuka ang kanyang bibig.
Nag-file na rin ng diplomatic protest ang China dahil nasaktan ang kanilang “political dignity” sa isang cartoon.
Ayon sa kanila, “crossed the red line” na ang PCG. Sagot naman ni Tarriela, ginagawa lang umanong palusot ng China ang cartoon para pagtakpan ang kanilang “hobby” na mang-water cannon sa WPS. Naku ha!
Sa kabila ng tensyon, idineklara naman ng “WPS Bloc” sa Kamara ang mga opisyal ng Kalayaan, Palawan bilang “Outstanding Filipinos of 2026.”
Habang bida sila sa Pilipinas, banned naman sila sa mainland China at Macau.
Ayon kay Rep. Dadah Kiram Ismula, “Mas may balls pa ang mga taga-Kalayaan kaysa sa mga Tsinador.”
Sa huli, tila naging “Star of the Sea” o Stella Maris na ang sandigan ng ating mga mangingisda.
Dahil kung hindi na madaan sa diplomasya at hindi rin madaan sa pakiusap, baka dasal na lang ang tanging “shield” laban sa mga barkong kasing-laki ng bundok.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
