Sa gitna ng tumitinding palitan ng maaanghang na salita, nilinaw ng Embahada ng China nitong Linggo, Pebrero 15, na hindi nila balak magpataw ng sanctions o parusa laban sa mga mambabatas ng Pilipinas sa kasalukuyan.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Ji Lingpeng, tagapagsalita ng embahada, na “hindi nila opsyon” ang pagpapataw ng mga penalidad gaya ng pagbabawal sa pagpasok sa China, Hong Kong, at Macau, pag-freeze ng mga ari-arian, o pagbabawal sa mga Chinese citizen na makipagnegosyo sa mga naturang opisyal.
Ayon kay Ji, naniniwala ang Beijing na ang kasalukuyang tensyon ay isang “debate” lamang kung saan ang bawat panig ay may kalayaang magpahayag.
” This is a debate. They have the freedom to express their views, and we have the freedom to respond,” ani Ji.
Dagdag pa niya, ang diplomasya ay nakabase sa reciprocity o gantihan—salita para sa salita, at aksyon para sa aksyon. Iginiit din niya na ang mga suhestyong sanctions ay nababasa lamang umano sa mga comment section ng social media at hindi opisyal na polisiya ng kanilang bansa.
Matatandaang noong Pebrero 9, nagpasa ng resolusyon ang Senado na kumokondena sa mga pahayag ng embahada laban sa mga opisyal ng Pilipinas. Ito ay matapos magalit ang Beijing sa paggamit ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela ng caricature ni President Xi Jinping sa isang academic event.
Tinawag ni Ji ang hakbang na ito ng mga senador bilang isang “political stunt” at inakusahan ang ilang mambabatas na kulang sa kaalaman sa diplomasya. “Ang mga nag-aakalang mapupuwersa nila ang China sa pamamagitan ng mga resolusyon o reklamo ay nagkakamali. Hindi gagana ang ganyang estilo,” banta ng tagapagsalita.
Sa kabila ng ingay, nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ang pagdedeklara sa isang diplomat bilang persona non grata ay dapat ituring na “huling baraha” o last resort. Una nang nagpahayag si Chinese Ambassador Jing Quan na handa siyang lisanin agad ang Pilipinas kung gagawin ito ng Pangulo.
Tiniyak naman ni DFA maritime spokesperson Rogelio Villanueva na mananatili ang ahensya sa paggamit ng “principled approach” at diplomasya upang ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa mga maritime issue nang hindi agad humahantong sa pagkaputol ng ugnayan ng dalawang bansa.
