Inanunsyo ng Senado ngayong Martes, Hulyo 29, ang inisyal na listahan ng mga bagong chairperson ng mga Senate committees para sa ika-20 Kongreso, tampok ang kumbinasyon ng mga batikang mambabatas at mga baguhan sa pulitika na mamumuno sa mga makapangyarihang lupon.
Kabilang sa mga bagong uupong chairman ay si Senator Rodante Marcoleta, isang first-time senator, na mangunguna sa Blue Ribbon Committee—isang mahalagang komite na sumisiyasat sa mga iregularidad sa pamahalaan. Si Marcoleta rin ang itinalagang chairman ng Trade, Commerce, and Entrepreneurship Committee, na nagpapakita ng kanyang papel sa mga isyung may kinalaman sa oversight at ekonomiya.
Si Senator Alan Peter Cayetano naman ang mamumuno sa maraming matitinding komite tulad ng Accounts, Higher Education, Technical and Vocational Education, Justice and Human Rights at Science and Technology.
Si Senator Imee Marcos ay hahawak sa tatlong sensitibong komite: Foreign Relations, Labor, at Cooperatives.
Samantala, mananatili si Senator Robin Padilla bilang tagapangulo ng Constitutional Amendments, Cultural Communities and Muslim Affairs, at Public Information and Mass Media Committees, na naaayon sa kanyang adbokasiya para sa Charter change at pederalismo.
Tatlong makabuluhang committee rin ang hahawakan ni Senator Pia Cayetano: Energy, Ways and Means, at Sustainable Development Goals.
Nagbabalik naman sa Senado si Senator Bam Aquino at ngayon ay siyang uupong chair ng Basic Education Committee, habang si Senator Francis “Kiko” Pangilinan naman ang hahawak sa Agriculture, Food, and Agrarian Reform Committee.
Bilang aktibong tagapagtanggol ng mga manggagawa at OFWs, si Senator Raffy Tulfo ay naitalaga bilang chairman ng Migrant Workers at Public Services Committees. Ang kanyang kapatid na si Senator Erwin Tulfo ay hahawak naman sa Games and Amusements at Social Justice, Welfare and Rural Development Committees.
Patuloy na pamumunuan ni Senator Bong Go ang mga komiteng Health and Demography, Sports, at Youth, habang si Senator JV Ejercito ay magtutuon sa Tourism at Local Government Committees.
Mananatili naman si Senator Ronald “Bato” dela Rosa bilang chairman ng Public Order and Dangerous Drugs Committee, habang si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang hahawak ng National Defense and Security Committee.
Ipinasa naman kay Senator Camille Villar ang pamumuno sa Environment, Natural Resources and Climate Change Committee, na dating pinamunuan ng kanyang inang si dating Senadora Cynthia Villar. Samantala, ang kanyang kapatid na si Senator Mark Villar ay mamumuno sa Public Works Committee.
Pinakamakapangyarihan sa lahat, si Senator Sherwin Gatchalian ang mamumuno sa Finance Committee, na may mahalagang papel sa pagtalakay ng pambansang badyet.
Ayon sa Senado, maaaring madagdagan pa ang listahang ito sa mga susunod na linggo habang inaayos ang pinal na distribusyon ng mga komite sa pagitan ng mga senador.
