Magbabalik sa ensayo si June Mar Fajardo at inaasahang maglalaro para sa Gilas Pilipinas sa nalalapit na FIBA Asia Cup, habang si Calvin Oftana ay nananatiling kuwestyunable dahil sa tinamong mga injury sa PBA Philippine Cup playoffs.
Bagamat parehong nasa bench lamang at naka-street clothes sa panalo ng Gilas kontra Macau Black Bears (103-98), kumpirmado na si Fajardo ay bahagi ng lineup at posibleng sumabak na sa ensayo pagsapit ng koponan sa Jeddah, Saudi Arabia.
“He’s going to take another two or three days off from doing any physical activity. And then we expect him to play, start practicing when we arrive, which would be like the evening of the 31st over there,” pahayag ni Gilas head coach Tim Cone.
Magugunitang naglaro si Fajardo para sa San Miguel Beermen kahit may dinadalang calf injury, at tumulong upang masungkit ng koponan ang kampeonato sa Philippine Cup. Gayunman, aminado si Cone na kailangan ng adjustment sa opensa ng Gilas sa pagpasok ng six-time PBA MVP.
“He changes the game for us… He has such an impact that you have to kind of play differently when he’s on the floor,” dagdag ng coach.
Sa kabilang banda, hindi pa tiyak kung makakalaro si Calvin Oftana. Ayon kay Cone, base sa ulat ng medical team ni Oftana, maaari pa itong magtagal bago siya ganap na makabalik.
“We’re not sure if he’s going to be available for the whole tournament. We’re going to try to address that today or tomorrow,” ani Cone.
Hindi rin tiyak kung sasama si Oftana sa biyahe pa-Jeddah, at sa ngayon ay nananatili itong 50-50 ang tsansa.
“That’s something we need to talk to him about, the MVP group about, and see exactly how he’s feeling,” saad pa ng coach.
Patuloy ang preparasyon ng Gilas para sa kanilang kampanya sa FIBA Asia Cup, kung saan inaasahang bubunot ng lakas si Cone mula sa mga beterano gaya ni Fajardo—habang umaasang makakarekober sa tamang panahon si Oftana. (RON TOLENTINO)
