Nagpahayag ng matinding kalungkutan at pangamba si Senador Robinhood Padilla nitong Sabado matapos pangalanan ng International Criminal Court (ICC) sina Senador Christopher “Bong” Go at Senador Ronald “Bato” dela Rosa bilang mga “co-perpetrators” sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam sa radyo, hindi naitago ni Padilla ang kanyang emosyon at inaming labis siyang apektado sa posibilidad na masilbihan ng warrant of arrest ang dalawa niyang kasamahan sa Senado.
Ayon sa senador, nakababahala ang isiping maaari siyang maiwang mag-isa sa kanilang pangkat sa kapulungan kapag natuloy ang pag-aresto.
“Naiyak po talaga ako, kasi papaano na ito, sino pang kasama ko sa Senado kapag itong dalawang ito nabigyan pa ng warrant of arrest, edi ako na lang mag-isa,” pahayag ni Padilla.
“Hindi po ba depressing iyon?” dagdag pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang ay umani ng pambabatikos si Padilla matapos niyang ilarawan ang mga kabataan ngayon bilang “weak” o mahina at sabihing noong panahon nila ay hindi uso ang konsepto ng depresyon.
Gayunpaman, binigyang-diin ng senador na ang kanyang kasalukuyang nararamdaman ay bunsod ng malasakit sa kanyang mga kasamahan.
Sa kabila ng kanyang emosyonal na reaksyon, agad umanong nakipag-ugnayan si Padilla kina Go at Dela Rosa upang mag-abot ng suporta.
Nakipag-coordinate na rin siya kay Minority Floor Leader Alan Peter Cayetano upang talakayin ang mga hakbang na maaaring gawin ng kanilang pangkat, dahil direktang nakakaapekto ang usaping ito sa minorya ng Senado.
Ang hakbang na ito ng ICC Office of the Prosecutor ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa “war on drugs” ng administrasyong Duterte, kung saan ang dating pangulo ay kasalukuyan nang nasa kustodiya ng nasabing pandaigdigang hukuman sa The Hague.
