Isang madamdaming mensahe ang ibinahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kanyang asawa na si First Lady Liza Araneta-Marcos ngayong Araw ng mga Puso, kung saan tinawag niya itong “love of my life” at ang sentro ng kanyang mundo.
Sa isang Facebook post nitong Sabado, Pebrero 14, ipinahayag ng Pangulo ang kanyang pasasalamat sa Unang Ginang.
“You complete me,” anang Pangulo. “My forever Valentine, Liza, ikaw ang mahal ng aking buhay, ang puso ng ating tahanan, at ang aking kalmado sa gitna ng lahat. Dahil sa iyo, nagkakaroon ng saysay ang lahat.”
Sa kanyang inilabas na vlog, inamin ng Pangulo na mas pinipili niyang gugulin ang kanyang libreng oras kasama ang asawa.
Binigyang-diin niya na ang kanilang kaligayahan ay nagmumula sa simpleng pagsasama nang hindi iniisip ang trabaho.
“Hindi kailangan ng malaking bagay para maging masaya kami—iyung magkaroon lang ng isang gabi na libre para gawin ang kahit ano, anuman iyon, ay hindi na importante,” pahayag ng Pangulo.
Ibinahagi rin niya na dahil sa kanilang abalang iskedyul sa pagsisilbi sa bayan, madalas ay mahirap humanap ng oras para sa isa’t isa.
Sa kabila ng mga hamon ng pagiging pinuno ng bansa, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng paglalaan ng panahon para sa pamilya at pagpapatibay ng relasyon.
Ayon sa kanya, ang susi sa isang matatag na pagsasama ay ang bukas na komunikasyon at pag-unawa.
Pinayuhan din niya ang mga magkapareha na tratuhin ang isa’t isa nang may kabutihan at patatagin ang ugnayan sa pamamagitan ng makabuluhang usapan.
Dagdag pa ng Pangulo, ang pundasyon ng anumang mabuting relasyon ay ang tunay na pagkakaibigan. “Para sa akin, ang basehan ng anumang magandang relasyon ay ang tunay na pagkakaibigan.
“Ang pinakamagagandang relasyong nakita ko ay nagsimula sa pagiging magkaibigan,” ani Marcos.
Ayon sa kanya, bagaman lumalalim ang pagmamahalan sa paglipas ng panahon, mahalagang nag-e-enjoy ang magkapareha sa piling ng isa’t isa upang mapanatili ang isang malusog na pagsasama.
