Isinailalim na sa preliminary investigation ng Office of the Ombudsman ang mga reklamo para sa kasong plunder, graft, at conflict of interest laban kina Senator Loren Legarda, sa kanyang anak na si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, at dating Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi, kaugnay ng mga kontrobersyal na solar energy projects.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ngayong Biyernes, Hulyo 31, nasa huling bahagi na ng pagsisiyasat ang mga reklamo kung saan pagpapasyahan ng mga prosekutor kung isasampa ang mga opisyal na habla sa Sandiganbayan.
Inilahad ng Office of the Ombudsman na nahaharap ang mga sangkot sa paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, partikular sa Section 3(e) ukol sa pagbibigay ng ‘di-makatwirang pakinabang o pagdudulot ng matinding pinsala sa gobyerno dahil sa paboritismo o kapabayaan, Section 3(h) para sa direktang pagkakaroon ng pinansyal na interes sa negosyo o kontratang may kaugnayan sa kanilang posisyon, at Section 3(i) kaugnay ng pagkakaroon ng personal o materyal na interes sa mga transaksyong nangangailangan ng pag-aapruba ng lupon na kanilang kinabibilangan.
Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng conspiracy o perwisyong pagkikipagsabwatan sina Legarda, Leviste, at Cusi upang makuha ang eksklusibong karapatan sa mga proyekto ng solar energy sa bansa sa pamamagitan ng mga lehislatibo at regulatoryong hakbang.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakakuha ang mga kumpanyang kaugnay ni Leviste ng napakaraming exclusive solar energy service contracts, na nagresulta sa tinatawag na virtual monopoly. Gayunpaman, karamihan sa mga ito ay hindi kailanman naipatayo o naisakatuparan.
Ayon pa sa Ombudsman, inilipat din ang ilang kontrata sa mga kaugnay na kumpanya na umiiral lamang sa papel (shell/paper corporations) at wala ring operasyon.
Dahil sa pagkakakansela at hindi pagtupad sa mga nasabing kontrata, umabot sa mahigit P10.44 bilyon ang hindi nabayarang pinansyal na obligasyon ng kumpanya sa pamahalaan.
