Pinayagan ng Sandiganbayan Third Division na makapagpiyansa si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng kasong malversation through falsification of public documents na may kinalaman sa umano’y P92.8-million “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.
Nakalabas ng Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas si Revilla ganap na 6:14 ng gabi ngayong Biyernes, Hulyo 31, matapos magpyansa ng P1,000,000, ayon sa opisyal na pahayag ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jayrex Bustinera.
Sa resolusyong inilabas ng anti-graft court, binigyang-diin ng komite na nagsumite si Revilla ng sapat na batayan para sa provisional release:
“Grant the bail application of accused Ramon Bautista ‘Bong’ Revilla, Jr. for failure of the prosecution to establish strong evidence of guilt… and in view of existing jurisprudence.”
Bago ang kanyang paglaya, dumating si Revilla sa Sandiganbayan kasama ang kanyang asawa na si Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado ganap na 4:41 ng hapon para asikasuhin ang pyansa at umalis din ng 4:58 ng hapon pabalik ng pasilidad bago tuluyang naiproseso ang release order.
Dahil nakapagpiyansa na rin si Revilla noong Enero para sa hiwalay nitong kasong graft sa Fourth Division, wala nang legal na balakid sa kanyang pansamantalang paglaya.
Hindi naging nagkakaisa ang boto ng tatlong justices sa Third Division matapos maglabas ng 2-1 majority decision ang hukuman. Bumoto sina Associate Justice Ronald Moreno at Associate Justice Fritz Bryn Anthony delos Santos na payagang makapagpiyansa si Revilla habang tinatanggihan naman ang sa iba pang akusado.
Samantala, nag-iisang tumutol ang Chair na si Associate Justice Karl Miranda, kung saan pabor siyang tanggihan ang petisyon para sa piyansa ng lahat ng akusado, kabilang na si Revilla.
Sa kanyang dissenting opinion, iginiit ni Justice Miranda na malakas ang ebidensya laban sa dating senador kung titingnan ito sa konteksto ng di umano’y “kalakaran” o sistema ng korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Miranda, hindi makakapasok ang proyekto sa General Appropriations Act (GAA) kung wala ang alokasyon mula sa DPWH na inilaan para kay Revilla, ang kanyang paghingi ng listahan ng mga proyekto, at ang kanyang patuloy na pag-follow up sa mga matataas na opisyal ng DPWH upang masigurong maihabol ang pondong ito.
Binigyang-diin din sa testimonya ng mga state witness na sina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at dating District Engineer Henry Alcantara na umano’y nakatanggap si Revilla ng 25% “commitment” o kickback na personal pang idiniliber sa kanyang tahanan sa Cavite noong unang bahagi ng 2025.
Samantala, nananatiling detained at hindi pinayagang magpiyansa ang mga dating opisyal ng DPWH-Bulacan 1st District Engineering Office dahil sa lakas ng ebidensya ng prosekusyon laban sa kanila.
Kabilang sa mga nananatiling nakadetine ay sina Brice Ericson Diaz Hernandez, Jaypee de Leon Mendoza, Arjay Salvador Domasig, Emelita Capistrano Juat, Juanito Coronel Mendoza at Christina Mae Del Rosario Pineda.
Lumalabas sa imbestigasyon na inilabas ang pondo na nagkakahalaga ng P76.9 milyon sa kontratistang SYMS Trading at itinag na “95.17% completed” ang proyekto kahit walang anumang totoong estruktura o slope structure na naipatayo sa lugar.
