Naglabas ng mga subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at dating Congressman Jacinto “Jing” Paras kaugnay ng imbestigasyon sa isang umano’y destabilization plot at character assassination laban sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Ayon sa NBI, nabunyag ang naturang plano kasunod ng isang entrapment operation laban sa human trafficking sa isang five-star hotel sa Maynila, kung saan naaresto ang isang suspek na nag-aalok umano ng mga babae sa halagang hanggang P250,000 bawat isa.
Paliwanag ni NBI Director Atty. Melvin Matibag, sa gitna ng pagsisiyasat sa naarestong suspek at sa mga nailigtas na biktima, lumabas ang impormasyon hinggil sa isang organisadong plano upang siraan si Executive Secretary Ralph Recto.
“Habang iniimbestigahan namin sila, doon lumabas na hindi lang pala si Executive Secretary ang target. Plano raw nilang gamitin ang grupong ito para sa character assassination,” pahayag ni Matibag.
Ayon pa sa NBI, ibinunyag ng isa sa mga nailigtas na biktima na plinaplano umanong iugnay si Recto sa pambubugaw at sa paggamit ng iligal na droga, bagamat inamin ng biktima na hindi naman niya talaga kilala ang opisyal.
Sinabi ni Matibag na lumabas sa pahayag ng mga iniimbestigahan ang pangalan ni Jing Paras, habang si Rep. Leviste naman umano ang magpopondo sa malaking halagang gagamitin sa naturang plano.
Dahil dito, pormal na ipinatatawag ng NBI ang dalawa upang magbigay-linaw. Nag-apply na rin ang bureau ng cyber warrant upang suriin ang nilalaman ng cellphone ng naarestong suspek.
Mabilis namang itinanggi nina Leviste at Paras ang mga alegasyon laban sa kanila.
“Wala akong kinalaman sa umano’y pambababae ni Recto. Mapatutunayang hindi ko kailanman nakausap ang sinuman sa mga taong ito—mas mabuting si Recto ang tanungin kung kilala niya sila,” giit ni Leviste.
“Wala pong katotohanan ’yan. Sa tamang panahon, sasagutin ko ang lahat at patutunayan kong gawa-gawa lamang ito,” pahayag naman ni Paras.
Paliwanag naman ng abogado ni Paras na si Atty. Mark Kristopher Tolentino, walang sapat na ebidensya ang mga alegasyon sa affidavits at malayong maging isang “destabilization plot” ang isyu.
Pinag-aaralan na rin ng kanilang kampo ang paghahain ng kaukulang kasong sibil at kriminal laban sa mga nagpapakalat ng malisyosong impormasyon.
Samantala, pinagsisikapang makuha ang panig ni Executive Secretary Ralph Recto kaugnay ng lumalabas na isyu.
