Matapos magwakas ang mala-fairy tale na kampanya ng Jose Rizal University Heavy Bombers sa pamamagitan ng 81-74 pagkatalo sa Perpetual sa NCAA Season 101 quarterfinals, nag-umapaw ang emosyon lalo na para sa rookie sensation na si Sean Salvador.
Si Salvador, na kumamada ng 18 puntos at apat na assists, ay agad na tumungo sa dugout matapos ang huling buzzer, halatang wasak sa bigo nilang pagkalas sa Final Four picture.
Kasunod ng kanilang maagang pag-exit, kumalat ang ulat na pinag-iisipan ng 20-anyos na guard ang kanyang kinabukasan sa Kalentong, bagay na nagbunsod ng agam-agam sa direksyon ng rebuild na pinamumunuan ni coach Nani Epondulan.
Pero agad itong nilinaw ng rookie standout.
“Mentally and emotionally, vulnerable ako when I was asked about transferring, pero hindi ako lilipat,” mariing pahayag ni Salvador. “Siguro nadaan ako sa lungkot na tapos na season, pero hindi ko ipagpapalit ang tiwala ng coaches.”
Aminado siyang matagal nang may interes mula sa ilang UAAP at NCAA teams—simula pa noong siya’y Mapua Red Robin—pero nanindigan siyang mananatili sa JRU.
“May mga interested schools from UAAP, pero hindi ako lilipat. Andito ako sa JRU, my heart is with JRU,” aniya.
Isa sa pinakamalaking dahilan ng pananatili ni Salvador ay ang matagal na niyang ugnayan kay Epondulan, na nagsilbing mentor niya mula juniors hanggang ngayon sa seniors.
“Sobrang saya kasi until now kasama ko pa siya sa college basketball career ko. High and lows, andun siya lagi, pinu-push niya kami,” sabi ng rookie guard.
Binigyan siya ni Epondulan ng malaking papel sa Heavy Bombers bilang pangunahing option katabi ng beteranong si Shawn Argente—isang kumpiyansang nagbunga ng kanyang season averages na 12.9 puntos, 2.9 rebounds, at 1.9 assists.
“Kahit na rookie ka, pwede ka pala mag-ambag,” dagdag ni Salvador, na ngayo’y nakikitang isa sa matitibay na pundasyon ng JRU rebuild.
Sa susunod na taon, mas ganado ang rookie sa paparating na Season 102 dahil sasama sa kanila ang mga kilala niyang mandirigma sa juniors: dating Mapua teammate Lawrence Mangubat at ex-San Beda standout Chris Hubilla, na parehong magiging eligible matapos ang residency.“Mas matibay kasi kilala na namin isa’t-isa… paghahandaan namin yung Season 102 para makabawi at matulungan yung unfinished business ni coach Nani sa JRU,” wika ni Salvador. Sa kabila ng masakit na pagtatapos ng Season 101, malinaw: buo ang loob at puso ni Sean Salvador para sa Heavy Bombers. (Ron Tolentino)
