Nagbabala si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na hindi dapat balewalain ang Guam habang binubuksan ng national team ang kanilang kampanya para makabalik sa FIBA Basketball World Cup 2027.
Unang pagsubok ng Gilas ang away game sa Calvo Fieldhouse ngayong Biyernes, alas-7 ng gabi (5 p.m. Manila time).
Ayon kay Cone, matagal nang pinag-aralan ng Gilas ang Guam, lalo na mula nang magtala ito ng kasaysayan sa FIBA Asia Cup 2025 matapos talunin ang Syria, 82-73, noong Agosto 8—ang unang panalo ng Guam sa torneo.
“I’ve watched their games against Korea, watched them against Japan, watched them against Syria… I know a little bit about them,” ani Cone.
“Pero akala rin namin kilalang-kilala namin ang Taiwan, tapos nagulat kami. Ayaw na naming maulit ‘yon.”
Tinukoy nito ang nakakagulat na 82-73 upset loss ng Gilas sa Chinese Taipei noong nakaraang window.
Pinakakilalang mukha sa Guam ang Jericho Cruz, na babalik sa kanyang national team matapos makuha ang PBA Philippine Cup championship at Finals MVP para sa San Miguel.
Pero hindi lang si Cruz ang dapat bantayan.
“We all know how Jericho plays… but they’ve got three or four other Division I players from the States,” babala ni Cone.
Kasama sa matitibay na sandata ng Guam sina Tai Wesley at Takumi Fukuda, mga top scorers sa Asia Cup, bukod pa kay Cruz.
Laro rin para sa Guam si Isaiah Africano, dating NCAA Division III player mula Pacific University na nag-apply sa PBA Draft Season 50 ngunit hindi napili.
Para kay Cone, malinaw na hindi magiging madali ang misyon ng Gilas.
“They are going to be tough. They are going to be tough at home, and we all have to understand that.”
“They made it past the first round by beating Syria, and Syria is not a bad team.”Determinado ang Gilas na makabangon mula sa huling pagkatalo at simulan ang kanilang World Cup journey nang may lakas, disiplina at masusing paghahanda—lalo’t posibleng isa na namang sorpresa ang naghihintay kung hindi sila magiging maingat. (Ron Tolentino)
