Pormal na binuksan ng Department of Science and Technology – CALABARZON (DOST-CALABARZON) ang Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) 2025 noong Agosto 14 sa Ynares Events Center, Antipolo City, na may temang “Building Smart and Sustainable Communities.” Tumagal ng tatlong araw ang selebrasyon hanggang Agosto 16.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni DOST-CALABARZON Regional Director Emelita Bagsit ang kahalagahan ng kolektibong pagkilos para sa mas matatag at inklusibong komunidad.
Ipinahayag naman ni Antipolo City Vice Mayor Ranady Puno ang suporta ng lungsod sa agham at teknolohiya upang makahanap ng solusyon laban sa climate change at mga suliraning pangkalikasan.
Samantala, sinabi ni DOST Secretary Dr. Renato Solidum Jr. na ang “smart city” ay hindi lang nasusukat sa teknolohiya kundi sa kakayahan nitong tumugon sa pangangailangan ng mamamayan. Binigyang-diin din niya na nagsisimula ang sustainability sa maliliit ngunit makabuluhang hakbang.
Isa sa mga tampok ng pagbubukas ay ang paglulunsad ng 56th Innovation Hub (iHub) sa University of Rizal System–Antipolo, na magsisilbing sentro ng research, creativity, at industry collaboration sa probinsya. Kasabay nito, nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa Regional Design and Creativity Hub for Innovation in MSMEs and Education (RDCHIME) na mag-aalok ng pagsasanay at prototyping sa animation, 3D modeling, packaging, automation, at digital arts.
Inilunsad din ang ika-19th 21st Century Learning Environment Model (21st CLEM) sa Antipolo City National Science and Technology High School. Layunin ng pasilidad na may robotics, 3D printing, at AR/VR na palakasin ang STEM education at 21st-century skills ng mga kabataan.
Sa pamamagitan ng exhibits, forums, at interactive activities, itinatampok ng RSTW 2025 ang papel ng science, technology, and innovation (STI) sa pagtulong na maisakatuparan ang pangarap na smart at sustainable communities para sa CALABARZON at buong bansa.
