Nahuli ang mag-asawang Miguel Santiago Syjuco at Nicole Lorraine Syjuco matapos mag-flag ng alerto ang Advance Passenger Information System (APIS) ng Bureau of Immigration (BI) nang dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Agosto 6.
Sa tulong ng APIS, na donasyon ng United Nations Office of Counter-Terrorism (UN OCT), agad na natukoy na may standing warrant of arrest laban sa dalawa na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 20. Kaagad na ipinagbigay-alam ng BI sa National Bureau of Investigation (NBI), na siyang nagpapatupad ng warrant at nagsagawa ng mabilis na pag-aresto.
Ang APIS ay nagbibigay ng kakayahang ma-screen ang mga pasahero bago pa sila dumating sa bansa. Sa kasalukuyan, konektado na ito sa 17 airlines kabilang ang Cebu Pacific, Philippine Airlines, Etihad, Qatar Airways, Singapore Airlines, Cathay Pacific, at iba pa, na sumasaklaw sa mahigit 63% ng flight operations sa bansa.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang operasyon:
“Ang tagumpay na ito ay patunay ng kahalagahan ng APIS hindi lang sa immigration facilitation kundi lalo na sa pambansang seguridad.”
Bahagi ang APIS ng pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing digital at mas episyente ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Giit ng mga awtoridad, mananatiling mahalagang kasangkapan ang APIS sa pagtukoy at pagpigil sa pagpasok o pag-alis ng mga indibidwal na may kinakaharap na kaso, bilang bahagi ng pangako ng Pilipinas na tiyakin ang ligtas na mga hangganan at igalang ang batas.
