Taon-taon, tila isang masaklap na tradisyon ang pagbabalik ng malalang pagbaha sa maraming bahagi ng bansa. Kapag bumubuhos ang ulan at umaapaw ang mga ilog, ang mga lansangan ay nagiging ilog, ang trapiko ay bumabagal hanggang sa tumigil, at libo-libong kabahayan ang nalulubog sa tubig. Sa halip na magsilbing hamon para magkaisa at magtulungan, nagiging pagkakataon pa ito para sa ilang opisyal na magturuan at magpalusot.
Ngunit sa gitna ng ganitong nakakalungkot na realidad, may iilang institusyon na patuloy na kumikilos — hindi dahil obligado sila ng batas, kundi dahil malinaw sa kanila na ang tunay na serbisyo ay lampas sa papel at titulo. Isa sa mga ito ang NLEX Corporation.
Bilang tollway operator, madaling sabihin na trabaho lang nila ang siguraduhing maayos at ligtas ang kanilang expressway. Ngunit pinatunayan ng NLEX na kaya nilang mag-ambag sa mas malawak na solusyon laban sa pagbaha.
Araw-araw, humigit-kumulang 120 tauhan ng NLEX ang nakatalaga para magsagawa ng paglilinis, pag-aalis ng bara, at pagsasaayos ng mga daluyan ng tubig. May kasamang mabibigat na makinarya tulad ng amphibious backhoe, backhoe on barge, boom trucks, at dump trucks — lahat ay nakahanda upang maiwasan ang matinding epekto ng baha sa kanilang nasasakupan.
“These initiatives are part of our continued commitment to providing safe and passable expressways, especially during severe weather conditions,” anang NLEX Corporation Officer-In-Charge and Metro Pacific Tollways Corporation Chief Finance Officer, Luis S. Reñon.
Para sa kaalaman ng ating mga ka-Berdugo, ang NLEX Corporation ay isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MOTC) o ang toll road na kaagapay ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC).
Noong Agosto 4, 2025, pinangunahan ng NLEX Corporation, katuwang si DOTr Sec. Vince Dizon at iba pang ahensya, ang malawakang cleanup at clearing operations sa mga baradong waterways. Hindi ito seremonya lamang para sa litrato; ito ay aktwal na operasyon na may malinaw na layunin at resulta — mapabuti ang daloy ng tubig at mabawasan ang pinsala ng pagbaha sa mga komunidad at motorista.
“Nagpapasalamat kami kay Sec. Vince Dizon for initiating this project. Ang pagtutulungang ito ay sumasalamin sa pinagsama-samang hangarin ng NLEX Corporation at mga katuwang na ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang laban sa pagbaha at mapabuti ang safety at travel experience ng mga motorista,” pahayag ni Reñon.
Kung ikukumpara, maraming local government units (LGU) at ilang ahensya ng pamahalaan ang tila naiiwan sa ganitong klase ng malasakit at aksyon. May nakalaang pondo ang mga ito para sa flood control, subalit madalas ay hindi nakikita ng taumbayan ang inaasahang pagbabago. Sa halip, nauuwi sa “photo opportunity” ang mga proyekto — hawak ang pala para sa kamera, ngunit wala namang tuluy-tuloy na epekto sa problema.
Ito ang malinaw na punto: kung kaya ng NLEX na magsagawa ng tuloy-tuloy, sistematiko, at epektibong hakbang laban sa pagbaha, walang dahilan para hindi ito magawa ng mga LGU at ahensyang may mas malaking kapangyarihan at pondo. Ang kaibahan ay nasa dedikasyon at pananagutan.
Panahon na upang gawing pamantayan ang modelo ng NLEX Corporation. Panahon na ring panagutin ang mga ahensyang paulit-ulit na bigo sa tungkulin. Ang laban kontra baha ay hindi lamang laban sa kalikasan, kundi laban din sa kultura ng kapabayaan.
Sa dulo, malinaw ang mensahe, mga ka-Berdugo: sa serbisyo publiko, walang lugar ang tamad at puro salita. Ang kailangan ay kumikilos, nakikipagtulungan, at nagbibigay ng resulta — tulad ng ginagawa ng NLEX Corporation.
Sana, sa susunod na bumuhos ang ulan, mas marami ang sumunod sa kanilang yapak. Yun lamang po.
