Larawan mula sa Rizal PPO
NATAGPUAN ang katawan ng isang lalaking pinaniniwalaang biktima ng ‘salvage’ o summary execution sa gilid ng Sampaloc Road sa Barangay Sampaloc, Tanay, Rizal noong Sabado, Disyembre 7, bandang alas-8:30 ng umaga, na nakabalot ang ulo ng masking tape at nakatali ang magkabilang kamay.
Ayon sa Tanay Municipal Police Station (MPS), nadiskubre ng grupo ng magkakaibigan na nagja-jogging sa lugar ang bangkay sa gilid ng Sampaloc Road sa Barangay Sampaloc, bandang alas-8:30 ng umaga.
Inilarawan ng mga awtoridad ang biktima bilang isang medium-built na lalaki, tinatayang 5’7” ang tangkad, nasa 45 hanggang 50 taong gulang, at nakasuot ng gray long-sleeved shirt at dark gray pants.
Ayon sa mga nakakita, nakahandusay ang lalaki sa madamong bahagi ng kalsada, na ang kalahati ng ulo ay balot ng masking tape at parehong kamay ay nakatali, dahilan upang agad nila itong ireport sa pulisya.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Tanay MPS at tumawag sa Provincial Forensic Unit upang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa lugar.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang motibo sa likod ng krimen. (Arnold Pajaron Jr)
