MULING pinasigla ng Marikina City ang diwa ng Pasko sa taunang pag-iilaw ng kanilang higanteng Christmas tree nitong Disyembre 8, 2025, sa temang “Paskong Marikina, Paskong Pag-asa.”
Ang pagpapailaw sa Marikina Christmas Giant Tree na nakatayo sa Plaza De Los Alcaldes ay kasabay ng ika-29 na Cityhood Anniversary ng naturang lungsod na pinangunahan nina Mayor Maan Teodoro at Cong. Marcy Teodoro.
Tampok sa masayang programa sina Gerald Anderson at Bella Padilla, kasama ang mga opisyal ng Marikina City.
Binigyang buhay din ng ating cultural performers ang programa kung saan ipinakita nila ang mayamang kultura at tradisyon ng Marikina, patunay na ang lungsod ay nakaugat sa sining, pagkakaisa, at pagmamahal sa komunidad.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Maan na ang tunay na lakas ng lungsod ay nagmumula sa mga mamamayan nito—mga pamilyang matatag, komunidad na nagtutulungan, at mga pusong patuloy na nagbibigay ng pag-asa.
Ayon sa alkalde, ang selebrasyon ay hindi lamang simpleng okasyon, kundi isang pagkakataon para magsama-sama ang bawat pamilya at maramdaman ang liwanag at saya ng Pasko, na aniya’y sumasalamin sa diwa ng pag-asa at bayanihan.
Habang nagniningning ang higanteng Christmas tree na simbolo ng pagbangon ng Marikina, muling ipinaalala ni Mayor Maan ang mahalagang mensahe para sa lahat.
“Kapit lang. Laban lang. At huwag na huwag mawawalan ng pag-asa.”
Patuloy namang inaasahan ng lokal na pamahalaan na ang pagdiriwang ay magbibigay inspirasyon at lakas ng loob sa mga Marikeño sa pagharap sa mga hamon ng bagong taon. (Arnold Pajaron Jr)
